Kamoteng coliseum
PAKI-AWAT nga itong pulitikong ito na ngumanga este mali nangangako pala na magtatayo ng isang dambuhalang sports coliseum sa loob mismo ng Quezon City Memorial Circle kung siya’y mananalong alkalde ng Kyusi.
Sabi nga, mukhang nananaginip ng gising?
Naku ha, patawa!
Bakit kaya nakulot ang kukote nito at nag-isip ng isang proyekto na ‘di lang nakakabuwisit, kundi nakakasuka pa?
Pwe!
Teka dapat yata bago maisip ni Tongresman, este Congressman, na magtayo ng isa na namang dambuhalang proyekto sa loob ng elliptical road, tingnan muna niya kung paano manunumbalik ang pinagmamalaking mini-forest ng Quezon City.
Ngayon kasi kasing-gulo na ng mga pulitiko ng lungsod ang QC circle na tinayo bilang alay sa ating yumaong Pres. Manuel Quezon, na tinaguriang erpat ng Kyusi.
Sa halip na pagandahin ay ginawang komersiyal ng ilang mga henyong pulpol ang cityhall para makadagdag sa kabang-yaman nila, este mali ng Lungsod pala. Hehehe!
Sabi ng mga kuwago ng ORA MISMO, mula sa bilihan ng balot, penoy, barbecue, at sa malamig nabuo rin nila ang isang karnibal at iba’t iba pang mga maliliit na negosyo sa loob nito.
Kulang na lang ay gawan ng isang malaking department store ang loob ng Quezon City Memorial Circle at puede nang kumpitensiyahin ang mga Sy, Ayala at Gokongwei.
Naku ha!
Sabi nga, naging mini-mall kundi mini-palengke ng masang Pinoy ang looban pero ‘di nila naisip na ang hinahanap ng mga ito ay ang dating ganda ng circle na puedeng pasyalan ng buong pamilya.
Ngayon halos wala nang maayos na hardin at damuhan ang circle!
Kahit kogon nga ‘di na kayang tumubo rito. Pati mga punongkahoy dito ay tahasan nang pinagpuputol para gawing mga gusali at tindahan.
Sino nga ba ang talagang kumikita rito sa ganitong kalakaran sa lungsod?
Mayroon talagang pera sa basura, lalo na’t kung ginawa mong basurahan ang iyong kapaligiran. Pero “que horror” huwag naman sa pinagmamalaking Quezon Memorial Circle.
Kung ako naman kay Vice Mayor Joy Belmonte, iba naman ang ipapangako ko sa madlang people ng Kyusi. Halos wala naman siyang kalaban sa pagiging bagong alkalde ng lungsod.
Sabi nga, si Joy na ang Mayor ng Kyusi next month after election!
Magandang ilagay niya agad sa kanyang programa ang pagpapanumbalik ng ganda ng Kyusi circle.
Dapat ungkatin ang mga kontrata ng kung sinu-sinong negosyante at pulitiko na nakisawsaw sa pambabastos sa QCMC.
Sa halip na dagdagan pa ng isang dambuhalang coliseum ang loob nito, bakit ‘di na lang gawing eco-park ang buong QCMC at alisin na ang mga eyesore nito.
Ngayon pa lang paghandaan na ni Vice Mayor Joy Belmonte ang muling pagbuhay sa kagandahan ng Lungsod Quezon.
‘Di ba, mga amigo en amigang kuwago? Abangan!
- Latest