KUNG totoo ang sinasabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nagsampa na ang Department of Foreign Affairs ng diplomatic protest sa China tungkol sa pananatili ng mga barko nito sa Pag-asa at sa pagharang sa mga Pilipinong mangingisda, maaaring magkaroon na ng kasagutan sa mga isyung ito sa mga susunod na araw. Sabi ni Panelo, hihintayin na lang daw ang sagot ng Beijing sa protesta ng Pilipinas. Ayon pa sa Presidential Spokesman, inihain ang protest dahil nagmamatigas ang China na alisin ang kanilang mga barko sa paligid ng Pag-asa Island na teritoryo ng Pilipinas.
Sana ay magkaroon na ng resolusyon ang problemang ito at mapahinuhod ang China na alisin ang kanilang mga barko. Kung tunay silang kaibigan, base sa pagtuturing ni President Duterte, dapat ay igalang nila ang napagkasunduan sa sea dispute. Hindi sila dapat magmatigas sapagkat ang kanilang presensiya sa Pag-asa ay nagbibigay ng pangamba na pagsimulan ng gulo. Kamakailan ay nagbanta pa ang China sa US na huwag gambalain ang katahimikan ng South China Sea. Iisa lamang ang ibig sabihin ng banta, handa silang lumaban sa sinuman na sa kanila ay makikialam.
Kung talagang kaibigan ni Duterte si Chinese President Xi Jinping, pakiusapan niya ito. Laging sinasabi ng Presidente na matibay daw ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas at China. Wala raw makabubuwag sa pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Nakatakdang mag-usap si Duterte at Xi sa susunod na linggo. Dadalo si Duterte sa 2nd Belt and Road Forum sa Beijing. Ayon sa Malacañang, kakausapin daw nang masinsinan ni Duterte si Xi ukol sa presensiya ng mga barko sa Pag-asa. Sana, magkaroon ng positibong resulta ang pag-uusap.
Sana, maipakita ng China ang tunay na kahulugan ng pakikipagkaibigan. Dito malalaman kung ano talaga ang hangad ng China sa bansang ang turing sa kanila ay kaibigan.