MARAMING namatay na mga Pilipino at Amerikano sa Bataan bago pa ito bumagsak sa kamay ng mga Hapones noong Abril 9, 1942. At para mapigilan pa ang pagkalagas ng mga sundalo, mas pinili ng American commander na si Gen. Edward King na sumurender kahit pa mahigpit ang utos ng kanyang mga superiors na huwag sumuko at patuloy na lumaban.
Tama lamang ang naging desisyon ni King na sumuko na sapagkat wala nang magagawa pa. Masyadong malakas at marami ang mga Hapones na mapa-lupa, mapa-dagat at himpapawid ay sumasalakay. Dahil dun, maraming namatay at iyon ang iniwasan ni King kaya minabuting sumuko. Ayon sa report, nasa 76,000 sundalong Pinoy at Amerikano ang sumuko.
Pero hindi roon natapos ang kanilang paghihirap sa kamay ng mga kaaway sapagkat pinagmartsa pa sila nang napakalayo at sa gitna pa ng nakapapasong init ng araw. Mula Mariveles, Bataan hanggang Capas, Tarlac ay pinagmartsa sila at sa daan pa lamang ay marami nang namatay sa uhaw, gutom at sakit. Ang mga hindi na makagulapay sa matinding hirap ay binabayoneta na lamang ng mga Hapones at hinahayaang mamatay sa daan.
May isang nakalulunos na kuwento na may isang grupo ng mga sundalong Pilipino na inihiwalay ng mga Hapones sa mga nagmamartsa at walang awang pinagpapatay ang mga ito. Umano’y nasa 300 o 400 ang mga sundalong walang awang pinatay at hindi malaman kung saan na napunta ang kanilang mga bangkay pagkaraang imasaker. Walang makapagsabi at walang pagkikilanlan sa mga ito.
Ngayong Araw ng Kagitingan, hindi sana malimutan ang kabayanihan ng mga Pilipinong nagpakamatay para sa bayan. Sila ang mga tunay na bayani. Sila ang nagbuwis ng buhay maipagtanggol lang ang bayan. Sila ang dapat ipagdasal sa ginawang kabayanihan.