IBINULONG sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, na matindi ang kalabitan blues ng mga tiwaling immigration officials d’yan sa Mactan International Airport lalo’t pagdating ng mga Chinese passengers galing China.
Sabi nga, kikilan umano ang uso?
Bakit?
May perang inaasahan ang mga kurap sa mga handler ng mga Chinese nationals na kanilang tatakutin?
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang mga Chinese nationals ay mga turistang pumapasok sa airport ng Mactan pero napo-profile ng mga kurap immigration ang ilan sa mga ito na umano’y magta-trabaho lamang sa Philippines my Philippines?
Sabi nga, ang leader ng mga kurap ay isang alyas Ric ‘living dead.’
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, tig - P2,500 each ang kikilan blues sa mga handler ng mga Chinese nationals?
Every week ang dating ng mga ito sa Mactan International Airport.
Ayon sa sumbong ng mga reklamador na nabukulan, hindi sila nabibiyayaan ng kahit katiting ni alyas Ricky ‘living dead’ sa perang kanyang nagagantso sa mga handler ng mga Chinese na magta-trabaho rito.
Sabi nga, ang nakikinabang lang sa mga kurap na alipores nito ay sina alyas Ron, John, Albert at Eric .
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, si alyas Eric ang bagman ni alyas Ricky ‘living dead’ dahil siya lamang ang pinagkakatiwalaan ng kamote na mag-deposito ng pera sa bangko na kanilang nakikil.
Ilang mamahaling sasakyan, rolex at madalas sa Japan pa umano nagsa-shopping si alyas Ricky ‘living dead.’
Totoo kaya ang sumbong?
Abangan.
* * *
CAAP handa sa influx ng mga pasahero sa mga paliparan
Bilang pagsunod sa Department of Transportation (DOTr), ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay magsisimula sa kanyang pagpapatupad ng OPLAN Biyaheng Ayos: Semana Santa 2019, sa susunod na linggo sa pag-asa ng pag-dagsa ng mga pasahero dahil kaugalian na ng mga Pilipino ang magbakasyon o umuwi sa kanilang mga probinsiya sa papalapit na Semana Santa o Holy Week.
Inaasahan ng CAAP, ang pagdami ng mga pasahero ngayong papalapit ang Semana Santa. Noong Abril 2018, ang Philippine airports ay may kabuuang 5,508,498 domestic at internasyonal na pasahero na may 3,036,274 mga pasahero ang dumating at umaalis gamit ang NAIA.
Sa ilalim ng operation plan, ang pagdagdag ng seguridad ay upang matiyak na ligtas, maaasahan, at maginhawang operasyon sa lahat ng 44 komersyal na mga paliparan sa bansa mula Abril 8 - Abril 25.
Ang koordinasyon ay ginawa sa mga airlines tungkol sa mahusay na pagproseso ng kanilang mga pasahero, lalo na sa check-in counter. Karagdagang tauhan ng airline ay ikakalat upang mapaunlakan ang pagtaas ng mga biyahero.
Lahat ng 12 area managers na humahawak sa 40 CAAP-managed airports na may commercial flights nationwide ay pinapayuhan na maximum deployment ng serbisyo at security personnel ay sinusunod kaya naman ‘no leave and day-off’ policy ang patakaran na ipatutupad sa panahon ng Oplan Semana Santa.
Ang CAAP ay coordinated din sa Office for Transport Security (OTS) para sa mga baggage screening at sa PNP-Aviation Security Group (AVSEGROUP) para sa perimeter security at surveillance.
Samantala, may mga help desk na pinatatakbo ng mga duty opisyal ang naka-set-up upang mapaunlakan ang mga passenger concerns . Pinaaalalahanan ang mga travelers na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na item sa airport at impake ang lahat ng carry-on baggage para sa mas mabilis na pagproseso sa screening checkpoints.