EDITORYAL - Ayuda sa mga magsasakang napinsala ng tagtuyot
MALAKI na ang pinsalang naidudulot ng El Niño sa mga magsasaka. Nagsimulang manalasa ang El Niño noong kalagitnaan ng Pebrero at bilyong piso na ang halaga ng napipinsala sa mga palayan, maisan at iba pang pinagkukunan ng ikabubuhay. Marami sa mga tanim na palay at mais ay natuyo na. Ayon sa report pinakagrabeng naapektuhan ng tagtuyot ang mga probinsiya sa Bicol Region, South Cotabato, Caraga, Sarangani at General Santos City. Dahil sa nangyayaring ito, may mga probinsiyang idineklarang nasa state of calamity.
Halos bitak-bitak na ang mga palayan sa mga nasabing lugar at kung wala pang papatak na ulan, tiyak na wala nang mapapakinabangan ang mga magsasaka. Wala silang aanihin at nakaambang magutom ang kanilang pamilya. Sa pagtatanim lamang sila ng palay at mais umaasa.
Ayon sa report, sa loob ng isang buwan na naranasan ang El Niño, umabot na sa P2.8 bilyon ang pinsalang naidulot nito sa mga palayan at maisan. At isipin na nagsisimula pa lamang ang pananalasa ng El Niño. Paano pa ngayong buwan na ito na ayon sa PAGASA ay mas lalo pang titindi ang tagtuyot.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga idineklarang rehiyon na nasa state of calamity ay ang Mimaropa, Zamboanga, Soccsksargen at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Nadarama na rin ang bangis ng El Niño sa Calabarzon, Western Visayas at Eastern Visayas.
Nakababahala ang nangyayaring ito sapagkat kung magpapatuloy ang tagtuyot, apektado ang source ng pagkain ng bansa. Malaking porsiyento na pinagkukunan ng pagkain ay ang sakahan. Kapag napinsala ang mga palayan at maisan, walang ibang aasahan ang bansa kundi ang pag-import. Walang magagawa kundi ang umangkat. At paano kung magtagal pa nga ang nararanasang tagtuyot, ganundin katagal na nakadepende ang bansa sa mga pagkaing inangkat.
Nararapat saklolohan ang magsasaka sapagkat wala na silang mapupuntahan pa. Pahiramin ng puhunan para magamit sa ibang pagkakakitaan. Maaaring subukan ng mga magsasaka ang pagtatanim ng ibang halaman na hindi kailangan ang supply ng tubig. Kailangang may maipalit sila sa natuyong palay at mais para mayroong maitustos sa pangangailangan ng pamilya.
- Latest