TAMA ang tanong ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Saan ba pumapanig ang gobyerno, sa mga mangingisdang Pilipino, o sa China? Ito matapos humingi ng ebidensiya na talagang hina-harass ng mga barko ng China ang ating mangingisda sa Panatag Shoal. Ang paghingi ng ebidensiya ay kilos nga ng abogadong nakatakdang depensahan ang kliyente. At ipinakita iyan, na tila ang kliyente ng gobyerno ay China, hindi ang mga mangingisda.
Hindi man lang nagpahayag na iimbestigahan ng gobyerno ang mga reklamo nila. Sa totoo lang ay ang gobyerno ang dapat kumuha ng ebidensiya, para mas malakas ang reklamong masasampa sa China. Pero malinaw naman na kapag China na ang pinag-uusapan, napakaingat ng administrasyon na hindi nila mainis o magalit. Hindi sapat na may mga video kung paano hina-harass ng China ang mga mangingisda.
Malinaw rin ito sa sagutan ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio at ni Panelo muli, hinggil sa kontrata ng Chico Water Dam Project. Kinukuwestyon ni Carpio ang ilang kundisyon, partikular ang pagtaya ng ilang likas na kayamanan sa uutanging pera para sa proyekto. Hindi daw dapat pumayag ang gobyerno, kahit sabihing kayang-kayang bayaran ang utang. Nang pakitaan ni Carpio ng batas na nagsasabing ang likas na kayamanan sa Reed Bank ay “patrimonial asstes” na ng bansa, binansagang siyang hindi makabayan ni Panelo dahil sa kanyang pagdududa sa kontrata. Tinawanan na lang siya ni Carpio. Ano ba ang masama kung hihimayin nang husto ng isang mamamayan, isang Justice pa nga ng Korte Suprema, ang kontrata para masigurong hindi dehado ang bansa?
Ang gobyerno ay dapat palaging nasa panig ng mamamayan. Naiinitindihan ko kung humihiram nga tayo ng pera para sa imprastraktura, pero kailangang siguraduhing hindi dehado ang bansa sa kontrata. At may ibang bansa rin naman na puwedeng hiraman ng pera, na mas mababa pa nga ang interes at matagaal na nating hinihiraman. At pagdating sa daing ng ating mga mangingisda, dapat sila ang ipagtanggol, hindi ang China. Sa mga pagsusuri ay hindi pa nga nagtitiwala nang husto ang karamihan ng Pilipino sa China. Hindi ba’t personal na kagustuhan lang ang paglapit sa China, kaya lahat na lang ng kilos ng gobyerno ay tila pabor sa kanila?