EDITORYAL- Bus terminals sa EDSA lapit nang maisara

HANGGANG Hunyo na lamang ang mga bus terminals sa EDSA. Ililipat na ang mga ito para mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa EDSA. Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang mga bus na galing sa south ay magkakaroon na ng bagong terminal sa Parañaque City at Sta. Rosa City. Ang mga bus naman na galing north ay magkakaroon ng bagong terminal sa Valenzuela City. Ang kautusang ito ay nagmula mismo kay President Duterte at ipatutupad na sa darating na Hunyo.

Noong nakaraang taon pa nagsimulang unti-unting alisin sa EDSA ang mga provincial buses. At ngayong taon, talagang ipatutupad na ng tuluyan ang pag-aalis sa mga terminal.

Ang mga provincial buses ang napatuna­yang nagiging dahilan ng grabeng pagtatrapik sa EDSA, partikular sa Cubao area kung saan naroon ang mga terminal. Sa pagmamaniobra na lamang ng mga bus papasok sa kanilang terminal ay inaabot na ng siyam-siyam kaya perwisyo na sa mga motorista. Ganundin naman kung lalabas sa terminal, kinakain ang malaking portion ng kalsada kaya nagdudulot ng grabeng trapik.

Marami nang sinubukang paraan ang MMDA para mapaluwag ang trapik sa EDSA pero walang epekto at lalo pang naging miserable ang pagbibiyahe sa highway na ito. Ang dating isang oras na biyahe mula North EDSA patungong Makati ay tatlong oras na ngayon.

Halos araw-araw ay kalbaryo ang trapik at wala nang magawa ang mga motorista kundi ang mag­himutok. Hindi na nila alam kung magbabago pa ang kalagayan ng trapik sa EDSA.

Sa planong paglilipat ng mga bus terminal, nakikita ang pag-asa. Sana ay maipatupad ito nang maayos. Sana, magkaroon na ng katuparan ang hiling na lumuwag na sana ang EDSA.

Show comments