Climate change: Pilipinas magiging disyerto, lilisanin
PATULOY ang industriyalisasyon ng mayayamang bansa sa temperate zones: America, Europe, at Australia. Tulad nila, wala rin pakialam ang China, India, Russia, Brazil, at South Africa, limang pinaka-malalaki’t matataong umuunlad na bansa, sa climate change. Dahil sa usok ng sasakyan at pabrika, init ng mga bahay at pagkalbo ng kagubatan, at methane sa utot ng bilyun-bilyong pinapastol na baka at tupa, patuloy na umiinit din ang panahon. Natutunaw ang yelo sa North at South Poles; tumataas ang karagatan sa Equatorial Belt.
Dahil dito, tinatayang trilyon-trilyong dolyar na halaga ng ari-arian sa mga pampang sa Amerika, Europe, at Australia ang lulubog. Hindi pa binibilang diyan ang sa China, India, Russia, Brazil, at South Africa. At hindi pa rin kinuwenta ang sa 250 pang maliliit na bansa.
Tinatayang sa taong 2035, malamang na 4 degrees centigrade na ang dagdag-init sa Singapore kumpara nu’ng 1950. Hindi na raw ito matitirhan. Bagamat ang constructions ngayon sa islang bansang ‘yon ay palalim nang palalim underground, lalamunin ng dagat ang maraming reclamations. Maglalaho ang pinaka-mayamang maliit na bansa.
Hindi lalayo sa Singapore ang kalagayan ng Pilipinas. Mas mataas lang ito nang konti sa Singapore mula sa Equator. Magiging sobrang init na rin ang Greater Manila, at metropolitan Dagupan, Baguio, Cebu, Iloilo, at Davao. Matutuyot ang mga taniman. Walang mapagpapastulan ng livestock; masisira ang mga manukan, babuyan, at palaisdaan.
Dahil sa taggutom sa Middle East, Central Asia, at Africa, tumutungo na ang mga tao sa Europe sa norte. Gan’un din ang mga taga-South America at Mexico -- patungong United States at Canada.
Makakawawa ang mga taga-isla sa Pacific Ocean -- tulad ng mga Pilipino. Hindi sila basta makakapaglakad patawid ng borders. Kakailanganin ng milyun-milyong biyahe ng barko para maitawid sila sa mainland Asia. At ‘yon ay kung papapasukin sila ng mga dayuhan.
- Latest