BAGAY ngang tawaging Representa-thieves ang mga taga-Kamara de Representantes. Pinahirap nila ang pagkuha ng mamamayan ng kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth. Malayang ilalahad ng matuwid na opisyal ang kanyang SALNs. Magnanakaw ang magtatago ng kinurakot (basahin ang Sapol, 18 Mar. 2019).
Nauna roon, nagsingit ang mga mambabatas ng P305-bilyong pork barrels sa 2019 national budget. Labing-apat na beses mas malaki ‘yon kaysa nu’ng ipinagbawal ng Korte Suprema ang pork barrel. Nitong taong ito, 100 kongresista ay merong P2.4 bilyon-P8 bilyong “taba” para sa mga distrito at probinsiya. Ang 197 pa ay tig-P160 milyon. Ilang piling senador ay may kabuuang P23 bilyon.
Isiningit sa budgets ng mga departamento at ahensiya ng Ehekutibo ang pork barrels, maski hindi nila alam kung para saan. Wawaldasin ito sa mga kapritso at pang-epal na proyekto ng mga mambabatas ngayong Halalang 2019. Pera ng bayan ang P305 bilyon na sinasarili ng mga mambabatas. Kaya tawag din sa kanila ay “manggagatas”.
Mga proyektong madaling pagkumisyonan ang pinaglalaanan ng pork barrels: farm-to-pocket, este, -market roads, dredging, at de-silting. Umaabot sa 24-50% ang kickbacks ng mga kongresista, at 5% sa chiefs of staff. Kaya binansagan din silang “tong-gressmen”. “Tong” ang tawag sa mga sindikato sa Chinatown na kumukumisyon sa mga negosyo at kumokolekta ng “protection money”. Shortcut din ang “tong” sa suhol o “patong”, na naging slang na “tong-pats”.
Nagpasa rin ang Kamara ng pekeng draft Constitution para sa federal form. Kunwari’y hangad ang pederalismo, pero ang dalawang pangunahing probisyon ay: (1) alisin ang kasalukuyang term limits na anim na taon sa senador at tatlong taon sa kongresista, at (2) alisin ang pagbawal sa political dynasties. Dahilan na naman ito para tawagin silang mga “trapo” (traditional politico) na tila maruming basahan.