KAPAG may dumaang motorsiklo sa harap mo, nababasa mo ba ang kanyang plaka sa likod? Masasabi mo ba ang mga letra at numero ng plaka? Ito ang naging batayan ng bagong batas kung saan kailangan nababasa na ang mga plaka ng motorsiklo. Mas malaki na ang mga plaka kung saan malaki rin ang mga letra at numero, na dapat mabasa hanggang 15 metro ang layo. Kailangan na rin ng plaka sa harap ng motorsiklo. Kung hindi ako nagkakamali, sa tapalodo ikakabit. Ang bagong batas ay para magsilbing hadlang sa mga kriminal. Sa rami ng krimen ngayon kung saan ang motorsiklo ang ginagamit ng mga kriminal, ito ang naisip ng gobyerno na pangontra.
Umangal naman ang isang grupo ng mga motorsiklo. Hindi raw ito solusyon sa problema, at tila ginawa lang para kumita ang gobyerno dahil sa karagdagang gastos. Ang daing pa ay tila hinatulan na ang lahat ng naka-motorsiklo. May pangamba pa na ang ilalagay na plaka sa harap ay baka makalas lang habang tumatakbo, at makasakit pa. Ang plano ng grupo ay tutulan ang nasabing batas hanggang sa Korte Suprema.
Ayon naman kay Sen. Richard Gordon, pinalalaki lang daw ng mga naka-motorsiklo ang isyu. Para naman daw sa kapakanan nila ang bagong batas. Kung makatutulong sa pagbawas ng krimen, dahil sa mabigat na multa kung walang tamang plaka, bakit hindi? Ayon pa kay Gordon, tila mas importante pa sa ilan ang porma ng motorsiklo kaysa sa pagpapatupad ng batas. Hindi rin siya mali riyan.
Noong pinatupad ng Mandaluyong ang pagbawal sa riding-in-tandem maliban sa ilang sitwasyon, maraming umangal. Pero pinatupad pa rin. Dahil diyan, nabawasan ang mga krimen kung saan sangkot ang riding-in-tandem sa siyudad. Naging epektibo ang ordinansa, na ginagaya na rin ng ibang siyudad. Dahil laganap na ang mga krimen kung saan nakasakay sa motorsiklo ang salarin, ito ang maaaring panlaban. Kung madali nga naman makita ang plaka, na makukuha rin ng CCTV, bakit hindi? At sa pangamba na baka makalas ang plaka at makasakit, gaano ba kabilis tumakbo ang motorsiklo, para matanggal ang plaka? Sa trapik ba ng Metro Manila ay nakapagpapatakbo ba ng mabilis na mabilis ang karamihan ng mga motorsiklo? Kung magkakabit ng plaka sa harap ay siguro sa paraan na matibay at hindi basta-basta makakalas. Anuman ang mga isyu rito, batas na nga na dapat sundin. Ang tanong ay kailan ito ipatutupad nang lubusan.