EDITORYAL - Malaking plaka ng motorsiklo

NOON pa isinusulong na magkaroon nang ma­laking plaka ang mga motorsiklo para mada­ling ma-identify sakali at masangkot sa aksidente o gamitin ito sa criminal activities. Pero dahil marami ang kumukontra, hindi maipasa-pasa at laging nagkakaroon ng mga alingasngas at kung anu-anong pagdedebate.

Pero noong Huwebes, nilagdaan na ni Pres. Rodrigo Duterte ang Republic Act 11235 o Motor­cycle Prevention Act. Hindi lamang ang mga motorsiklo ang sakop ng RA 11235 kundi pati na rin ang mga tricycle.

Sa ilalim ng batas, magkakaroon na nang ma­laking plaka ang mga motorsiklo at tricycle na ilalagay sa harap at sa likod. Magiging color-coded­ na rin ang registration ng mga motorsiklo para ma­daling malaman kung saang lalawigan o rehiyon ito nakarehistro kung sakali mang masangkot sa aksidente o krimen.

Nakasaad sa RA 11235 na ang sinumang lalabag o hindi susunod sa pagkakaroon nang malaking­ plaka ay mabibilanggo ng 6 hanggang 12 taon at pagmumultahin ng P50,000 hanggang P100,000. Nakasaad din sa batas na dapat ay may impounding­ area ang local government units (LGUs) sapagkat kasama sa parusa ang pagkumpiska sa mga motorsiklo o traysikel ng sinumang lalabag.

Mahalaga ang batas na ito at dapat na maipatupad nang mahigpit. Hindi sana matulad sa ibang batas na pagkatapos malagdaan ay hindi naman naipatutupad at naging dekorasyon na lamang.

Sa pagkakaroon nang malaking plaka, hindi na makalulusot ang mga gagawa nang masama gaya nang pagsalakay ng riding-in-tandem na nanghoholdap o pumapatay. Kung may gagawing masama ang riding-in-tandem, makikita na agad ang kanilang plaka. Pati ang mga nakamotorsiklong nang-aagaw ng bag at cell phone ay tiyak na matitiklo.

Mahusay na pagpapatupad na lamang ng batas na ito ang kailangan at maaaring mabawasan na ang mga nangyayaring krimen gamit ang motorsiklo.  

Show comments