KUNG mayroong death penalty sa bansa, tiyak na swak na ang mga pumatay kay Christine Lee Silawan, 16-anyos ng Lapu-Lapu City, Cebu. Natagpuang patay si Christine noong Lunes sa isang bakanteng lote sa Bgy. Bangkal sa nasabing lungsod. Walang saplot na pang-ibaba ang dalaga at ayon sa Lapu-Lapu City police, positibong ginahasa ang biktima.
Pero ang mas nakakakilabot na ginawa sa dalaga ay binalatan pa ang mukha nito at kinuha ang mga lamanloob (internal organs). Ayon sa PNP Crime Laboratory na nagsiyasat sa bangkay ng kaawa-awang dalaga, nawawala ang esophagus at trachea nito. Napag-alaman pa na pati ang dila at taynga ay nawawala. May mga galos umano sa leeg at braso ang dalaga na palatandaang lumaban ito sa mga kriminal. Ayon pa sa PNP, may 30 tama ng saksak ang biktima. Hinala ng pulisya, mga lango sa bawal na droga ang mga lumapastangan at pumatay sa dalaga.
Ayon sa mga kaanak ni Christine, bago nangyari ang karumal-dumal na pagpatay, nakitang may kausap sa cell phone ang dalaga. Sabi naman ng pulisya, mayroon na silang suspek sa krimen at maaaring kilala umano ito ng biktima. Si Christine ay nagtatrabaho bilang kolektor ng abuloy sa Sacred Heart Church. May P1-milyong reward na inilaan ang pamahalaang lungsod ng Lapu-Lapu sa makapagtuturo at makapagbibigay ng inpormasyon sa mga killer ni Christine.
Hulihin at pagbayarin ang mga gumahasa at pumatay kay Christine. Kung maaari, mabilisang hustisya ang igawad sa mga kriminal ng dalaga. Matutuwa ang marami kung mababalitaan na nang-agaw ng baril ng pulis ang mga suspect at binaril ang mga ito. O, habang ibinibiyahe patungo sa korte, inambus ang sinasakyan ng mga ito at napatay.
Sa mga karumal-dumal na krimen na nangyayari ngayon na pinalulubha ng pagkalulong sa bawal na droga, wala nang pinakamabuti kundi ang mabilis na hustisya sa mga nagkasala. Maaaring magalit ang human rights advocates pero ang kanilang pagpupuyos ay walang maihahatid na hustisya sa kawawang biktima.