ANG tuberculosis (TB) ay impeksiyon na dulot ng TB bacteria. Ang TB bacteria ay kadalasang makikita sa baga at plema ng pasyente. Nakahahawa ito sa ibang tao sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahin at pagdura.
Ang sintomas ng TB ay ang pag-ubo, pamamayat, pagkapagod, lagnat sa hapon, pawisin sa gabi at walang ganang kumain. Kumunsulta sa doktor kung may sintomas kayo o kung may kasama kayo sa bahay na may TB.
Paano malalaman kung may TB?
1. Magpagawa ng Chest X-ray – Sa X-ray ng baga, posibleng makita ang mapuputing linya o patse sa bandang itaas ng baga. Ito ay isang senyales na maaaring may TB ang pasyente. Ngunit hindi pa rin natin masasabi kung aktibo ang TB o peklat na ito.
2. Magpakuha ng sputum test – Sa sputum test, magbibigay ang pasyente ng kanyang plema sa laboratory para ipaeksamen ito. Kapag may TB bacteria na nakita, ito ay kumpirmasyon na may aktibong TB ang pasyente.
Ano ang gamutan sa TB?
Kapag kayo ay nasabihang may aktibong TB, kailangan ninyong uminom ng gamot laban sa TB. Ang gamot ay para kayo’y gumaling at hindi na makahawa sa ibang kapamilya.
Ang gamutan sa TB ay umaabot ng 6 o 9 na buwan at hindi katulad ng ibang impeksiyon na gagaling na sa isang linggo.
Kailangan mong kumunsulta sa doktor para malaman ang tamang gamutan sa iyo. Huwag basta na lang uminom ng gamot para sa TB. Masama po iyan dahil posibleng mapalakas mo lamang ang bacteria sa iyong katawan.
Ang 4 na mabisang gamot para sa TB ay ang Isoniazid, Rifampicin, Ethambutol at Pyrazinamide. Kadalasan ay 3 o 4 na tableta ang iniinom bawat araw.
Para masigurong iniinom ng pasyente araw-araw ang gamot, may programa ang DOH na DOTS treatment o Directly Observed Therapy Short Course. Ang ibig sabihin nito ay may isang health worker o kamag-anak na magbabantay sa pasyente habang iniinom niya ang kanyang gamot araw-araw.
Ganyan po kahalaga ang paggamot sa TB at kailangan pang may nagbabantay sa pasyente. Sa ibang bansa, may patakaran silang puwedeng dakpin ang pasyenteng may TB na ayaw uminom ng gamot. Ito’y dahil maaaring makahawa nang maraming tao ang pasyente.
Kaya huwag na pong matigas ang ulo. Kumunsulta na sa doktor para tuluyan nang malunasan ang TB. Madali lang po ang gamutan.