Ang kabuktutan ni Jose Ma. Sison

MARAMING nabilog na ulo si Jose Ma. Sison at napaniwala sa kanyang pekeng adhikain na ang pagsapi sa kilusang Komunista ay mag-aangat sa mga maralita sa kahirapan. Inuudyukan niyang maging terorista ang mamamayan para sa kanyang makasariling interes. Si Bobby Garcia na isang ex-NPA rebel ay bilib kay Joma noon ngunit kalaunan ay nagsisi at gumawa ng paraan makalabas. Ibinunyag ni Bobby kung paano naging impiyerno ang kanyang buhay sa loob ng organisasyon.

Isinalaysay niya ang “Oplan Missing Link”, ang pinakamadugong “internal purge” na ginawa ng Communist Party of the Philippines at New People’s Army noong 1988 laban sa mga hinihinalang deep-penetration agents na hanggang sa kasalukuyan ay nangyayari pa rin.

Kasama si Bobby sa 121 na biktima ng purge — 66 ang pinatay at 55 silang nakaligtas. Lahat ay sumalang sa interogasyon. Nandiyan din ang Oplan Kadena de Amor sa Southern Tagalog noong 1982 at Kampanyang Ahos sa Mindanao (1985-86) at ang nationwide campaign Olympia (1988-89).

Ani Bobby, taong 1983, pumasok siya ng kolehiyo na nag-aalab ang damdamin. Ito ang panahon ng “rapid poli­tical ferment,” panahong pinatay si Opposition leader­ Ninoy Aquino. Naging aktibista si Bobby at nakabilang sa rebo­lusyonaryong grupo. Ang pamumundok niya ay naging mahirap dahil hindi naman siya sanay sa hirap. Pero naniniwala pa rin siya na tamang pakikipaglaban yaon at pasasaan ba ay makakamit nila ang katarungan. Hanggang sa matanto niyang may mali na sa kanilang ginagawa.

Ani Bobby, marami silang isinalang sa interogasyon, pero nang walang mapiga sa kanila ay ginamitan sila ng torture. At nagsimula ang sunud-sunod na pagpatay sa Ilan sa kanila. Saksi siya kung paano tinurtyor ang unang­ isinalang na kasamahan at pilit na pinaaamin sa nais lang na marinig ng interrogator. Kapag sinabi mong hindi ka DPA ay may tama ka. Naranasan ni Bobby ang hindi kumain ng ilang araw. Marami ang minalas at mayroon ding nakaligtas tulad ni Bobby.

Panawagan ni Bobby sa administrasyon, huwag bayaang dumami pa ang mga biktima si Joma. Bigyan ng katarungan ang mga inosenteng rebelde na pinatay ng CPP-NPA at bigyan ng maayos na libing. Ibalik ang kanilang mga bangkay sa kanilang mga pamilya at higit sa lahat­ ay buwagin na ang CPP-NPA at panagutin si Joma!

Show comments