EDITORYAL - Hindi na natatakot ang mga pulis na corrupt

PATULOY ang nakaugalian nang pang-eextort ng mga pulis sa mga nahuhuli nilang drug sus­pect. Hihingian ng pera at saka pakakawalan. Meron naman na patuloy na gagatasan. Noon pa, marami nang ganitong pulis at kaya lamang hindi nahuhuli ay dahil natatakot nang magsumbong ang drug suspect. Para hindi na lumaki pa ang isyu, maghahagilap ng pera para maibigay sa mga ‘‘buwayang’’ pulis. Pero paulit-ulit na hihingian o pasusukahin ng pera. Hangga’t may makukuha sa drug suspect, hindi titigilan ng mga “buwaya”. Kadalasang kasama ang hepe nila kaya malalakas ang loob na mang-extort. Madaling gumawa ng pera ang mga “buwayang’’ pulis.

Kahapon, may nahuli na namang ‘‘buwayang’’ pulis na nang-eextort sa nahuling drug suspect. Hinihingian ng P120,000 ang suspect subalit nagsumbong ang ka-live-in ng suspect kay NCRPO chief Guillermo Eleazar at nahuli sa entrapment operation ang “buwayang” pulis mula sa Eastern Police District. Nakilala ang pulis na si Corporal­ Marlo Siblao Quibete. Iniharap kay Eleazar ang pulis at sa galit ng heneral, kinuwelyuhan, tini­ngala ang mukha at dinuru-duro ni Eleazar ang pulis at saka itinulak papasok sa detention cell. Iyon daw ang dapat gawin sa pulis. Pero humingi ng paumanhin si Eleazar sa ginawang pagkumpronta sa pulis. Hindi umano dapat ganun ang paraan pero dapat lang gawin sa mga pulis na gumagawa ng pangingikil.

Maraming pulis na gumagawa ng katiwalian sa kabila na itinaas na ang suweldo. Sa kabila na ginagawa nina PNP chief Oscar Albayalde at Eleazar ang lahat para maibangon ang imahe ng pulisya, sinisira naman ng mga corrupt.

Dapat paigtingin pa nina Albayalde at Eleazar ang pagbasag sa mga corrupt na pulis. Tapa­ngan pa ang pamamaraan para lubos na maubos ang mga corrupt. Hindi magtatagal at malilipol din ang mga buwaya. 

Related video:

Show comments