EDITORYAL - Mas matinding giyera laban sa illegal na droga
NAGBABALA noong nakaraang linggo si President Duterte na ang nalalabi niyang tatlong taon ay mas lalo pang magiging mabagsik laban sa drug dealers. Sinabi ito ng Presidente kasunod nang pagkakasagip ng bloke-blokeng cocaine sa karagatan sa maraming bahagi ng bansa. Sunud-sunod ang pagkakasagip sa mga inaanod na droga na umaabot na sa 230 kilos na ang halaga ay umaabot na sa P1.32 bilyon.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang Presidente sapagkat hindi pa nasosolb ang problema ng illegal drugs na una na niyang ipinangako noon na aabutin lamang ng anim na buwan. Mula nang maupo siya noong Hunyo 2016, sunud-sunod na ang police operation laban sa drug pushers at maging sa drug users. Umabot na sa 5,000 ang napatay sa police operations.
Sabi pa ng Presidente, narito na sa bansa ang international drug syndicates na kinabibilangan ng Sinaloa cartle ng Mexico at ang Asian Bamboo Triad. Ang Sinaloa ang tinuturong nasa likod ng mga inaanod na cocaine sa mga dalampasigan ng bansa. Ayon sa Presidente, sa barko umano ang ginagawa ang cocaine at saka ihahagis sa dagat. Madali lang umanong makita ng sindikato kung saan napadpad ang mga bloke-blokeng cocaine sapagkat mayroong nakakabit na global positioning system (GPS) ang mga ito.
Banta ng Presidente magiging mapanganib para sa mga drug lord at iba pang sangkot sa illegal drugs ang huling tatlong taon ng kanyang termino. Wala raw siyang pakialam kahit pa ang drug lord ay nagmula sa China, Taiwan o Malaysia. Kapag nagtungo raw sa Pilipinas ang drug lords, papatayin niya ang mga ito.
Magiging mas madugo ang giyera laban sa drug traffickers sa nalalabing tatlong taon. Sana naman, hindi mga pipitsuging drug pushers ang titimbuwang kundi mga big time drug lord. Maraming naghahangad na maging drug free ang bansa pero dapat unahin ang pinanggagalingan ng droga at wasakin ito. Kahit pa araw-araw at may mapatay na maliit na drug pushers, balewala sapagkat ang source ay nananatili pa rin. Unahin ang ugat.
- Latest