ANG selebrasyon taun-taon ng ano mang himagsikan, mapayapa man o madugo ay nagbubunga ng political division. Iyan ang dinaranas ng bansa ngayon. Totoong dapat managot sa batas ang mga nagkasala. Pero hindi maiiwasang magkaroon ng bias sa paglalahad ng buo at solidong katotohanan at tiyak, may itatagong katotohanan ang maluluklok sa poder.
Ginugunita natin ang Ika-33 taon ng the February 1986 People Power Revolt na nagpatalsik sa rehimen ni Ferdinand Marcos. Ang tanong: may positibong pagbabago ba matapos ang kawing-kawing na pagpapalit ng administrasyon, kasama ang pamahalaan na pinamunuan ng dalawang Aquino?
Ayon sa librong “Debunked,” ng journalist at diplomat na si Rigoberto Tiglao tungkol sa EDSA Revolution, si Juan Ponce Enrile ang malaki ang kinalaman dito at si Cory Aquino ay katiting lang ang partisipasyon. Si Enrile, at ang kanyang Reform the Armed Forces Movement (RAM) ang naghanda ng kudeta laban kay Marcos.
Nagsanib puwersa umano sina Enrile at Fidel Ramos na nagkanlong sa Camp Aguinaldo, tumawag ng presscon at umapela kay Cardinal Sin na sumuporta sa pamamagitan ng panawagan sa taumbayan na pumalibot sa kampo. Ani Tiglao, si Marcos ang dapat bigyan ng kredito sa peaceful revolution na naganap. “Disperse the crowd but don’t shoot” ang mando ni Marcos sa militar.
Ayon pa kay Tiglao, si Marcos pa ang humiling sa Washington na dalhin siya sa kanyang bayan ng Laoag nang kusa siyang sumuko. Tinuran ni Tiglao na sa ilalim ng 1935 at 1973 Constitution, hindi kuwalipikado si Cory na tumakbo bilang Pangulo ngunit di ito kinuwesyon ni Marcos. Ayon sa dalawang Konstitusyon, ang tatakbong Pangulo ay dapat residente ng Pilipinas sa panahong di kukulangin sa 10 taon. Batid natin na mahigit sampung taong nanirahan si Cory at pamilya sa Amerika.
Idineklara ng COMELEC si Marcos na panalo sa snap polls na may lamang na higit sa 1.5 milyon boto. Pero sa unofficial count ng NAMFREL, si Cory ay may lamang na kalahating milyon boto kay Marcos. Ang panalo ni Marcos ang pinagmulan ng EDSA Revolt. Naniniwala si Tiglao na ang kompanya ni Cory noong electoral 1986 ay pinondohan ng isang pr campaign ng American political strategist firm Sawyer Miller. Kumpirmado ito aniya ng mga dokumento na isinumite ng Sawyer Miller bilang pagsunod sa Foreign Agents Registration Act.