Humataw na naman ang DOJ

HINAY-HINAY lang ang paghusga sa DOJ dahil ito talaga ang ahensiya na ating malalapitan kung tingin natin ay ginigipit tayo sa kaso.

Sabi nga, malaki man o maliit!

Ang DOJ, ang may kapangyarihan para ibato ang autoridad sa mga regional state prosecutors upang maresolba ang mga apela sa mga kaso. May autoridad itong baliktarin ang desisyon ng mga local prosecutors, kung tingin ng DOJ  ay mali.

Ano naman ang track record ng ahensiya?

Aba, huwag na natin tingnan  pa ang sinasabing  mga “high-profile” cases tulad ng kaso ni Senador Trillanes, na malaki ang papel na ginagampanan ng DOJ para maresolbahan ang mga kontrobersi­yang kaso ng senador.

Tingnan na lang natin kung paano sila nagde-desisyon sa mga apela laban sa mga  pang-aabuso ng ilang mga bossing sa ating maraming munisipalidad at mga lungsod sa ating mahal na Philippines my Philippines.

Tulad na lang noong isang linggo, naging mainit ang kaso ni Mayor Josh Edward Cobangbang ng Cabugao, Ilocos Sur, nang  iutos ng DOJ sa isang desisyong pinalabas ni DOJ Undersecretry Deo Marco na  ituloy ang demanda sa kanya  at 18 iba pa sa kasong illegal detention at grave coercion.

Ito ay resulta ng apela ni Viriginia Nicole Savellano-Ong, matapos idismiss ng provincial prosecutor ng ILocos Sur ang sinampang kaso nito matapos ipag-utos ni mayor na isara ang Cabuga Beach Resort na pinapatakbo niya sa kanilang bayan.

Pinagpatuloy ni Savellano-Ong, ang pagpapatakbo ng beach resort kahit wala na ang kaniyang business partner na si Antonio Valera na siyang unang nakakuha ng lease mula sa munisipyo noong 2005.

Tinuloy ni Savellano-Ong ang pagbabayad pero pumalag si Mayor Cobangbang at pinalayas siya sa resort.

Si Cobangbang nga pala ang sinasabing pinakabatang alkalde sa Philippines my Philippines. ‘Di naman sana ito ang dahilan kaya masyado siyang naging mapusok? 

Noong nagmatigas si Savellano-Ong ipinasara ni mayor ang resort noong Agosto 2017 at nakulong siya sa loob kasama ng 4-na taong gulang na anak at 7 empleyado nito.

Kahit may “probable cause”, nadismis ang mga kasong illegal detention at grave coercion na isinampa sa kanila ng mga biktima. 

Sina Savellano-Ong ay nakalabas lamang matapos ang isang araw dahil nagreklamo ang kanyang  abogado.

Ang sabi ng DOJ, kahit na pagmamay-ari ng munisipyo ang beach resort, wala itong kapangyarihang gumamit ng dahas para lang paalisin ang madlang people na kasalukuyang nagpapatakbo nito.

Dahil pinad-lock ang mga pintuan at kinadena ang mga gate ng resort nang walang order, Sabi ng DOJ..... “the prevention and compulsion was indeed effected with such display of force as would produce intimidation and control of the will of the offended party”.

Para kay Usec Marco, balewala kung ikaw ay malakas na pulitiko o may kulay pulitiko ang away na ito. Sa kanya, ang basehan ng DOJ ay ang merit ng kaso.

Dahil sa DOJ order, ipinag-utos ni Cabugao Regional Trial Court Judge Raphiel Alzate ang pag-aresto kay Mayor Cobangbang  at 18 nitong co-accused.

Kung mapatunayang may sala, sina Cobangbang at iba pang mga akusado ay maaaring maharap sa  maximum na penalty na “reclusiuon perpetua” o 40 taong pagkakakulong ang mga ito.

“Ano sa palagay ninyo?”

Abangan.

Show comments