EDITORYAL - Motorsiklo ang partner ng mga criminal

KARAMIHAN ng mga pagpatay ay naisagawa dahil sa tulong ng motorsiklo. Ito ang pinaka-convenient na sasakyan para maisagawa ang krimen. Madaling nailulusot kahit trapik at puwedeng magpasikut-sikot para hindi masundan ng mga pulis­. Madali ring alisin o takpan ang plaka dahil maliit lang ito. At hindi makikilala ang driver at angkas dahil naka-helmet. Kahit pa makunan ng closed-circuit television (CCTV) camera ang pagpatay gamit ang motorsiklo, hindi pa rin makikita ang gunmen dahil naka-helmet at hindi rin makikita ang plaka ng motorsiklo dahil maliliit ito.

Marami nang nangyaring pagpatay na karamihan sa estilo ng riding-in-tandem ay aabangan ang target sa kalsada habang nasa sasakyan nito, susundan at kapag naipit sa trapik ay tatabihan at saka babarilin. Pagkatapos ay haharurot na ang riding-in-tandem.

Mayroon namang aabangan ng riding-in-tandem ang target sa mismong bahay nito. Pagdating ng sasakyan at papasok sa gate, saka lalapit ang gunmen at babarilin ang target. Mabilis na tatakas ang mga criminal, sakay ng motorsiklo.

Mayroon namang aabangan ang target paglabas ng bahay o opisina at saka babarilin. Pagkatapos humandusay ang biktima, mabilis na tatakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo.

Ang pinaka-latest na biktima ng pagpatay sa tulong ng motorsiklo ay ang negosyanteng si Jose Luis Yulo at ang kanyang driver na si Allan Nomer Santos. Nasugatan din ang kasama nilang babae na nakilalang si Esmeralda Ignacio na nasa ospital pa sa kasalukuyan.

Nangyari ang krimen noong Linggo, dakong alas dos ng hapon sa EDSA-Mandaluyong. Matao ang lugar at napakaliwanag ng araw nang biglang pagbabarilin ang sasakyan ni Yulo ng riding-in-tandem. Napakabilis ng pangyayari na para bang sanay na sanay ang mga suspect. Makaraan ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin. Parang bula na nawala ang sinasakyan nilang motorsiklo. Blanko pa ang PNP sa pangyayari.

Hahayaan ba ng PNP ang ginagawang ito ng riding-in-tandem na parang bumabaril lamang ng manok? Dapat magkaroon sila ng suhestiyon o plano kung paano malilimitahan ang paggamit ng motorsiklo na kadalasang kasangkapan sa pagpatay. Nararapat ipagbawal na ang angkas sa motorsiklo. Kailangang maputol na ang mga krimen na sangkot ang motorsiklo.

Show comments