Kayong mga pulitikong taga-Baguio, pukaw na mo!

PATULOY ang paglobo ng populasyon sa Baguio City, abot na sa puntong nasisira na ang siyudad. Di magtatagal, matutulad na rin ang Baguio sa Maynila.

Malayo na ang siyudad sa dati nitong ganda na dinarayo ng mga tao. Bulubundukin na lugar, tapos puro Pine Trees at malalaking punongkahoy. Anong nangyari? Pinagpuputol ng mga gahamang negosyante dahil tatanga-tanga, bulag, pipi at bingi ang mga nasa lokal na pamahalaan. Posibleng kasapakat pa sila ng sindikatong nasa likod ng pagpuputol ng mga puno.

Naalagaan ang mga linta sa Baguio kaya imbes na mga puno, puro bahay ang tumubo. Sila-sila rin ang nasa likod ng pagdami ng informal settlers at mga agaw-lupa. Ginagawa nilang tauhan na taga-okupa ng mga lupain sa Baguio. Marcos Highway pa lang, kitang-kita mo na ang nakabubwisit na tanawin. Masakit na sa mata, mauubusan ka pa ng pasensya dahil sa trapik. 

Hindi pa kasama rito ‘yung polusyon. Ako mismo, pumupunta ako sa Baguio. Kung dati ay presko at malamig ang hangin sa Baguio. Ngayon, basura na ang malalanghap mo. Sinabi na natin ito. Makikita sa kapaligiran at lan­sangan ang paraan ng pamumuno sa isang lugar. Ito ay malinaw na repleksyon maging siyudad, probinsya, o rehiyon man ‘yan. Nalalaman ang uri ng pangangasiwa sa mga siyudad ng Baguio at Maynila… mga pabaya! Parehong-pareho. Kung paano sinalaula ang Manila Bay, ganun din ang ginawa sa Baguio. Walang nagawa para protektahan ang kalikasan. 

Mabuti na lang at mayroong silent worker na si DENR Secretary Roy Cimatu. Napukaw na ang atensyon ng national government dahil sa nilabas na pag-aaral ng National Economic Development Authority (NEDA). Ito kasing mga nasa lokal, mga inutil! Unfiltered.

Matindi ang paglobo ng populasyon ng Baguio, lalo na tuwing Christmas Break. Sumusunod sa yapak ng Boracay. Kayong mga lokal diyan sa Baguio, ano bang ginagawa niyo? Di niyo man magustuhan itong sasabihin ko, I don’t care. Kung sanay kayo na laging tulog sa pansitan, ako na ang gigising sa inyo. Pukaw na mo!

Show comments