EDITORYAL - Magsampol ang Comelec sa mga tusong kandidato

BALEWALA ang banta ng Comelec sa mga kandidatong lumalabag sa Omnibus Election Code. Walang natatakot o nasisindak at patuloy sa pagka­kabit ng kanilang campaign posters, streamers at tarpaulin kahit na hindi designated areas na pinayagan ng Comelec.

Bukod sa kung saan-saan nakadikit o nakalagay ang posters, malalaki rin ang sukat ng mga ito at hindi tumutugma sa ipinag-uutos ng Comelec.

May mga poster at banner na makikita pa rin malapit sa parke at sa palengke. Mayroong poster na nakadikit sa likuran ng pampublikong sasakyan.

Ayon sa Comelec, ang sinumang kandidato na hindi sumunod sa batas sa pagbabaklas ng illegal posters ay mahaharap sa election offense. Maa­aring madiskuwalipika ang sinumang kandidato na lumabag sa illegal campaign materials. Ayon pa sa Comelec, ang tamang sukat ng campaign posters o banners ay may maximum na sukat na 61 centimeters by 91 cm. Ito lamang ang sukat na pinapayagan at ang lumampas dito ay mahigpit na babantayan. Hindi raw mangingimi ang Comelec na patawan ng parusa ang lalabag.

Noong Biyernes, nagsagawa ng pagbaklas ang mga tauhan ng Comelec sa mga illegal posters sa maraming lugar sa Metro Manila. Sinuyod nila ang mga lugar kung saan ay namulaklak ang mga mala­laking tarpaulin at streamers ng kandidato.

Winarningan naman ang 34 na kandidato na lumabag sa paglalagay ng illegal posters. Ang mga ito ay pawang kandidato sa pagka-senador. May ka­buuang 62 kandidato na tumatakbo sa pagka-senador. Binantaan ng Comelec ang mga lumabag na baklasin ang kanilang illegal campaign posters o maharap sila sa pagkadiskuwalipika. 

Lantaran ang paglabag ng mga kandidato at tila binabastos ang Comelec. Sa nangyayaring ito, da­pat ay magpakita ng bangis ang Comelec para matakot ang mga tusong kandidato. Hindi tama ang kanilang ginagawa. Kailangang may masampolan sa mga luma­labag para maniwalang may kapangyarihan ang Comelec. Kapag walang na-disqualify sa mga ito, nagpapakita ito na mahina ang Come­lec at pawang banta lang. Paano maniniwala ang taumbayan kung ganito ang nangyayari sa bayan.

Show comments