HINDI lamang ang paglupig sa drug syndicates, pushers at pag-rehabilitate sa drug users ang pinagtutuunan ng pansin ngayon ng pamahalaan, kasama na rin sa plano ang pag-educate sa mga batang nasa kindergarten hanggang Grade 12. Kailangan umanong malaman ng mga bata ang masamang dulot nang paggamit ng ilegal na droga at ang mga paraan kung paano ito maiiwasan. Isasakatuparan umano ang planong ito sa lalong madaling panahon at ang mga tanggapang sangkot dito ay ang Department of Health (DOH) at ang Department of Education (DepEd). Magtutulungan ang dalawa para masigurong wala nang magiging drug dependent o di kaya naman ay supplier ng ilegal na droga sa darating na panahon.
Makabuluhan ang planong ito ng pamahalaan at maaaring dito na magsisimula ang pagkamuhi nang mga susunod na henerasyon sa ipinagbabawal na droga. Sa pamamagitan nang pagtuturo sa mga bata ng kasamaang dulot ng droga, matatanim sa kanilang isipan na hindi nga ito ang solusyon para malimutan ang problema at hindi nararapat gamitin sapagkat sisirain lamang ang kinabukasan. Walang magandang idudulot ang bawal na gamot sa buhay kaya nararapat itong iwasan.
Nararapat paghandaan ng DOH at DepEd ang drug education sa mga bata. Nararapat na kumuha sila ng mga ekspertong magtuturo sa mga bata para ganap na maipaunawa ang masamang dulot ng droga. Dapat din na mag-hire ng mahuhusay na health professionals para maipaliwanag ang mga sakit na nakukuha sa pagdodroga. Sa mahusay na pagtuturo, tiyak na maitatanim sa mga bata ang lahat nang kaalaman kung bakit dapat iwasan ang ilegal na droga.
Ang pag-educate sa mga kabataan ukol sa droga ang mas epektibong paraan para malutas ang problema sa bansa. Mas maganda ito kaysa mag-ipon ng bangkay ng drug pushers o users habang malaya namang nakakatakas ang mga malalaking sindikato ng droga.