MAY panukalang batas na naghihintay na lamang ng pirma ni President Duterte. Ito ang Anti-Bastos Law na nagpapataw ng parusa sa mga lalaking sisipol sa mga kababaihan at iba pang uri ng pambabastos hindi lamang sa mga babae kundi pati sa mga beki. Ito raw ay lalo pang nagpapalakas sa umiiral na Anti-sexual harassment law.
Marahil, kung kalaboso ang katapat na parusa sa pambabastos sa kababaihan, pati na sa mga kabaklaan, marami ang iiwas nang mambastos dahil sa takot makulong. Pero hindi kayang baguhin ng alin mang batas ang kalooban ng tao.
Mapipigil lang ang paghahayag ng kabastusan dahil sa takot Pero bastos pa rin ang likas na bastos. Sadly, no law can be crafted to change a person’s character. Ngunit welcome sa akin ang ganitong batas na sa ibang lugar sa bansa ay ipinatutupad na sa pamamagitan ng lokal na ordinansa tulad sa Quezon City.
Ani Senator Risa Hontiveros, magkakaroon ng proteksyon ang mga kababaihan at mga miyembro ng LGBT community kapag nalagdaan na ang panukala.
Sana, kaalinsabay ng implementasyon ng ganitong batas, ipursigi ring ipatupad ang moral recovery program na pinasimulan noon pang panahon ni President Ramos sa pamamagitan ng batas na inakda ng kanyang kapatid na si Sen. Lefty Ramos Shahani.
Lakip dito ang pagtuturo ng mga moral values depende sa relihiyon ng mga tao. Noon, aktibong nagdaraos ng mga bible studies sa mga tanggapan ng pamahalaan. Sana rin, ibalik ang takdang aralin ng Good manner and right conduct sa mga paaralan.