EDITORYAL - Sayang lang ang oras sa ‘Maharlika’
BALAK ni President Duterte na buhayin ang proposal na palitan ang pangalan ng Pilipinas at gawing “Maharlika”. Ang pagpapalit sa pangalan ng Pilipinas ay orihinal na ideya ng diktador na si President Marcos noong dekada ’70. Pero hindi umubra ang gusto ni Marcos na maging “Maharlika” ang pangalan ng bansa. Maraming tumutol sa kanyang gusto. Noong 1978, isang batas ang pinanukala ni Sen. Eddie Ilarde na palitan ang pangalan ng Pilipinas at gawing Maharlika, pero hindi rin ito nagtagumpay.
Ngayon, balak na namang buhayin ang pagpapalit sa pangalan ng Pilipinas. Sabi ni President Duterte, tama raw si Marcos na gawing The Republic of Maharlika ang Pilipinas. Ang Maharlika umano ay Malay word na ang ibig sabihin ay serenity. Ang Pilipinas ay nagmula sa pangalan ni Haring Felipe II ng Spain. May colonial origin umano ang pangalang Pilipinas kaya nararapat itong palitan. Ilang senador ang sumusuporta kay Duterte sa pagpapalit ng pangalan ng Pilipinas.
Pero hindi madali ang pagpapalit ng pangalan ng isang bansa. Ang Malacañang mismo ang nagsabi na kailangang dumaan sa Kongreso ang pagpapalit ng pangalan ng bansa. Maraming isyu ang pagdedebatehan dito. Kapag nakalusot sa Kongreso, ang mga tao naman ang magpapasya sa pamamagitan ng isang referendum. Pagbobotohan kung gusto o hindi ang “Maharlika”.
Pagsasayang lamang ng oras at pera ang pagpapalit ng pangalan ng Pilipinas. Sa halip na ito ang tutukan, ang pagpaparami ng trabaho at pagkain ang dapat iprayoridad. Tutukan din ang tumataas na bilang ng kriminalidad at ang paglaganap ng droga na hindi mapigilan sa kabila na araw-araw ay may mga nahuhuli.
At ano naman kaya ang magiging tawag sa mamamayan kapag Maharlika ang pinangalan sa bansang ito. Maharlikano o Maharloko? Mukhang hindi magandang pakinggan. Sayang lang ang panahon sa isyung ito.
- Latest