INAPRUBAHAN na ng Senado at Kongreso ang budget ng gobyerno para sa taong 2019. Matapos ang ilang linggong pagtatalo, na sa totoo lang ay hindi pa tapos, inaprubahan na rin para hindi maganap ang tinatawag na “reenacted budget”. Ang lagda na lang ni President Duterte ang hinihintay para tuluyan nang mapatupad. Pero hindi pa isinasapubliko ang mga amyenda sa National Expenditure Program, na maaaring pagtaguan ng sinasabing “pork”.
Sa totoo lang, hindi pa tapos ang isyu ng “pork” sa sinasabing budget, na isiniwalat nina Sen. Panfilo Lacson at Rep. Rolando Andaya, Jr. May bagong impormasyon ngang binanggit si Andaya tungkol kay DBM Sec. Ben Diokno, na may kinalaman sa panunuhol ni Diokno. Hindi na nga sumisipot si Diokno sa patuloy na pagdinig sa Kongreso. May malakas na padrino kasi sa Palasyo, kaya lumalabas na ang pagiging mapagmataas.
Kapansin-pansin din sa inilabas na listahan ng mga iba’t ibang kagawaran at kung magkano ang nadagdag sa kani-kanilang budget kumpara sa nakaraang taon. Ang DPWH ang may pinakamalaking itinaas sa halagang higit P46 bilyon, kasunod naman ang DOH sa halagang higit P17 bilyon. Kakailanganin ng DOH ang anumang tulong ngayong nilalabanan ang outbreak ng tigdas sa bansa. Pero mas malaki raw sana ang hinihingi ng DOH, na hindi ibinigay.
Kasunod ang Defense sa halagang higit P3 bilyon. Malaki na rin yata ang budget ng DND kaya konti lang ang itinaas. Mabuti at itinaas din ang mga budget ng Office of the Vice President at Commission on Human Rights. Akala ko hindi bibigyan ng pondo tulad ng gustong gawin ni Alvarez noon. Tandaan na ito ang mga itinaas lamang kumpara sa nakaraang badget nila, at hindi ang kabuuang budget.
Wala nang magagawa ang mga mambabatas na kinukuwestiyon ang nasabing budget para ngayong 2019. Si Duterte na lang ang makapagpapalit ng nasabing budget. Kapag pinirmahan na ni Duterte, tapos na ang boksing, ika nga. Makukuha na ng iba’t ibang ahensiya ang kanilang pondo. At bakit niya iipitin ang kanyang kalihim, hindi ba?