HINDI batay sa agham at datos ang pagpapababa sa edad-9 o -12 ng criminal liability. Anang mga nagpapanukala, dahil daw ito sa “balita” na ginagamit ng crime syndicates ang mga menor bilang drug couriers. “Balita lang pala, magsasabatas na!” tuligsa ng mga espesyalista sa bata at batas. Sa edad 9-12 ay hindi pa hubog ang pagkilala sa tama at mali; ang panukala ay kontra sa mga alituntunin ng UN sa karapatang pangbata; ang mga kriminal ang dapat parusahan, hindi mga musmos.
Tama ang Philippine Pediatrics Society at Society of Adolescent Medicine Specialists. Dalubhasa sila sa edad, pagbuo ng utak, at ugali ng bata. Hindi kulong kundi rehab ang dapat sa mga nagkakasalang menor.
Umoo na lang ang mga mambabatas. Kung gan’un pala, wala nang dapat baguhin sa kasalukuyang edad-15 na criminal liability. Hindi kinukulong ang mga bata, kundi nirereporma. Tamad lang ang pulisya mag-file ng report kaya’t pinakakawalan ang mga menor. Dapat silang dalhin sa Bahay Pag-asa sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Council.
Gan’un sa mga pinaka-masasayang bansa: Finland, Norway, Denmark, Sweden, at Iceland. Tulad natin, edad 15 din sa kanila ang criminal liability. Ang kaibahan, matino ang gobyerno nila; sa atin ay hindi.
Imbes na pondohan ng naisabatas na P400 milyon, P40 milyon lang ang binigay sa Council. Dapat ay magtayo ng Bahay Pag-asa ang bawat 145 na siyudad; 55 lang ang meron. Ang gastos sa pagtayo ng bawat isang pang-50 inmates ay P150 milyon; hindi makapag-ambag ang Council ng P5 milyon sa bawat isa. Kailangan ng P6,500-P7,500 kada araw sa pagkain ng 50 bata. Bukod pa sa utilities at sahod ng hepe, tatlong social workers, katulong, at guwardiya.
Malinaw na kulang ang pondo sa rehab ng mga nagkakasalang bata. Isoli lang ang bilyun-bilyon pisong pork barrels ng mambabatas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).