NAKAAALARMA ang pagtaas ng bilang ng mga estudyanteng nahuhumaling sa marijuana. Halos linggu-linggo, may mga high school students na nahuhuling nagma-marijuana at mayroon din namang nagtutulak nito. Tila ba nagiging karaniwan na lamang sa mga estudyante ang mag-marijuana at inaakalang magaan lamang ang parusa sa paggamit at pagbebenta nito kumpara sa shabu. Mas mura rin ang halaga ng marijuana kaysa shabu.
Mula nang maging matindi ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga o shabu, dumami ang lumipat sa paggamit ng marijuana. At dahil mas mabilis mabili, pati ang mga high school students ay madaling maakit na gumamit. Mayroong pasa-pasa lang muna sa isang stick ng marijuana at nang makasanayan na, kanya-kanya ng bili para makahitit.
Noong Sabado, 11 estudyante sa high school sa Bgy. Southside, Makati City ang naaktuhan ng mga pulis habang humihitit ng marijuana. May edad na 13 hanggang 17 ang mga naaresto. Nakatanggap ng report ang mga pulis na may mga kabataang maiingay at nakabubulahaw sa mga residente kaya nagkasa sila ng operasyon. Naaktuhan nila ang 11 estudyante habang humihitit. Dinala nila sa DSWD ang mga kabataan.
Isang 19-anyos na estudyante naman sa Maynila ang naaresto rin dahil sa paghitit ng marijuana. Nakumpiska sa estudyante ang isang plastic na lalagyan na may marijuana. Sinampahan na ng kaso ang estudyante.
Kamakailan, napabalita ang isang estudyante na nagbebenta ng marijuana sa kanyang mga kapwa estudyante. Nang tanungin kung bakit siya nagtutulak ng “damo”, wala raw pinagkakakitaan ang kanyang mga magulang kaya siya ang gumagawa ng paraan. Alam daw niyang mali iyon pero wala raw siyang alam na ibang paraan para kumita.
Dapat mahinto na ang ganitong pagkahumaling ng mga estudyante sa marijuana. Ang mga magulang ang dapat manguna sa pagsubaybay sa kanilang mga anak. Lagi silang kausapin at baka may problema kaya nahuhumaling sa droga. Malaking tulong din ang pagkalinga ng mga guro. Iligtas ang mga kabataan sa pagkalulong sa marijuana.