PANAHON ng eleksyon kung kaya asahan natin ang mga hakbang para ang mga kandidato ay maghanap ng butas sa bawat isa.
Sa kaso ng mag-asawang Alan Peter at Lani Cayetano, kapwa sila tumatakbong Kinatawan ng dalawang magkahiwalay na distrito sa Taguig City. Napapataas ng kilay ang marami.
Bakit magkahiwalay ang distrito ng mag-asawa? Hindi ba sila nagsasama sa iisang bahay? Sisimulan nang dinggin ng Commission on Elections ang kaso laban sa mag-asawa na tungkol sa isang petisyon na kanselahin ang certificate of candidacy ng mag-asawa dahil sa nasilip na anomalya.
Ang petisyon ay iniharap nina Atty. Emil Maranon III at Leonides Bulac, Jr. na kumukuwestyon sa nilalaman ng kanilang COC.
Wala raw nakasaad na petsa kung kailan lumipat si Lani sa Two Serendra sa Fort Bonifacio. Maaaring technically, walang irregular sa ginawa ni Mrs. Cayetano sa paghahain ng COC kung may anim na buwan na siyang naninirahan sa kanyang bagong bahay. Definitely, kuwalipikado siyang kumandidato bilang kinatawan ng nakasasakop sa kanyang distrito.
Ngunit ang tanong, ano ang motibo niya sa paghiwalay ng tahanan sa asawa niyang si Alan Peter? Hindi naman sila nagkalamigan sa isa’t isa. Malinaw para lusutan ang alituntunin sa pagkandidato, at wala na akong masilip na ibang dahilan. At kung iisipin, bakit ang mag-asawang parehong opisyal ng pamahalaan ay maghihiwalay para ang isa ay tumira sa isang single-bedroom na condo unit?
Hindi ko alam kung may probisyon sa alituntunin ng halalan na nagbabawal sa ganitong siste. Kung wala, dapat sigurong amyendahan ang batas.