SABIK na sabik ang mga residente ng lungsod na makapasyal sa natatanging beach na tila sumulpot na lamang sa magdamag. Dagsa ang mga taga-Maynila, Pasay at iba pang karatig lungsod sa Roxas Boulevard upang masilayan ang bagong anyong Manila Bay.
Malaking sektor ng lipunan ang nagkapit-kamay upang linisin ang mga basurang nakasanayan nang makita sa tubig o inaanod sa buhangin. Siyempre, malaking bagay na kapanahunan ngayon ng hanging amihan. Ito ang talagang tumutulak padagat sa karamihan ng mga kalat.
Kung mukhang kaaya-aya ang kundisyon ng tubig, walang naniniwalang permanente na ito. Babalik din ang dumi kapag nagpalit ang ihip ng hangin. Ang habagat ang tutulak sa kalat pabalik ng pantalan. Ang kalat ay manggagaling pa rin sa dating ugat nito – ang mga iba’t ibang ilog sa Metro Manila – Pasig, Parañaque, Angat, Bocaue, etc -- na pawang sa Manila Bay dinideposito ang kanilang agos.
Hindi ang Manila Bay ang problema. Kung mayroon mang mga gusali at institusyon sa paligid na direktang nagluluwa sa Manila Bay, agad naman itong sinita ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ang tunay na problema ay ang lahat ng duming lumalabas mula sa ating mga tahanan at sa mga negosyo at industriyang gumagamit ng tubig. Sa kalahatan, tungkulin dapat ng Maynilad at Manila Water ang mabigyan tayo ng tamang sistema ng wastewater treatment. Sinisingil nga tayong lahat ng charges para sa sewerage tuwing nagbabayad tayo ng tubig. Subalit mula nang naningil sila ng sewerage fees nang taong 1997 – mahigit 20 years na tayong nagbabayad, itong 2018 ay 20% pa lamang ng buong concession area nila ang nalalagyan nila ng maayos na tubo.
Samakatuwid, ang duming galing sa ating mga inidoro, lababo etc. ay direktang lumalabas sa mga ilog na wala nang linis-linis. At tumutuloy lahat sa Manila Bay. Habang hindi naaayos ng Maynilad at Manila Water ang kanilang pangakong wastewater treatment, hindi magiging malinis ang Manila Bay kahit tanggalan pa ito ng kalat araw araw.