Customs: ‘Tara’ pa rin dahil sa kampanya?
WALA bang nagpapaalala kay President Duterte na tanggapin na ang resignations ng 20 political appointees sa Bureau of Customs? Galit niyang inutusan ang 20 na magsumite ng resignations nu’ng Okt. 2018. ‘Yun ay nu’ng umamin sa wakas si noo’y-commissioner Isidro Lapeña na napalusutan siya ng mga tauhan ng Customs kaya nakapag-smuggle ng 1.6 tonelada ng shabu, halagang P11 bilyon, sa magnetic lifters sa Cavite.
Rekomendado ni Lapeña ang karamihan sa 20 presidential appointees, at ang ilan ay kay naunang commissioner Nicanor Faeldon. Maseselan ang mga puwesto nila: mga deputy at assistant commissioners, directors na namumuno ng mga pantalan, at hepe ng mga seksiyon. Kung rerepormahin ang Customs, sila ang magpapatupad sa burokrasya. Kung may katiwalian, sila rin ang dapat sisihin. Dahil si Duterte ang pumirma ng kanilang appointments, siya rin lang ang maaaring manibak.
Maugong nga ang balita na dahil sa 20 political appointees, patuloy ang “tara” sa Customs. Ito ang suhol -- kadalasan P40,000 kada cargo container, para palusutin ang kontrabando nang walang x-ray o manual inspection. Daang-milyon ito kada linggo. Pinaparte ng mga magkakasapakat tuwing alas-3 ng hapon ng Biyernes, kaya binansagang “3 o’clock habit ng kasakiman.”
Hangga’t naroon ang political appointees, hindi makakapagpasok si bagong Comm. Rey Leonardo Guerrero ng sariling mga katiwala. Hindi niya matutupad ang utos ni Duterte na linisin ang ahensiya.
Kabangga ang political appointees ng mga career officers na nag-eksamen at training para umangat sa ahensiya. Hindi makapuwesto nang mataas ang mga huli dahil nandoon ang mga una.
Pare-pareho silang may mga “tara”. Ang kaibahan lang ay ito: Ang mga career officers ay merong unwritten code na hindi magpapalusot ng droga o bomba’t baril. Ang political appointees kahit ano’ng kontrabando ay puwede, kasi nagmamadaling yumaman.
- Latest