HINDI alam ng karamihan na may posibleng epekto sa kalusugan ang pagtatrabaho sa gabi. Kasama rito ang mga call center agents, entertainers at iba pa.
Ayon sa pagsusuri, kapag tayo’y gising sa gabi, nasisira ang ating body clock. Ang body clock ay ang natural na orasan ng ating katawan. Sa normal na pamumuhay ay dapat tayo’y tulog sa gabi kung saan walang liwanag, at gising naman sa umaga kung kailan may sikat ang araw.
Ang kahalagahan ng melatonin:
Ang melatonin ay isang kemikal sa ating katawan na tinatayang mabisang anti-oxidant. Mas gusto natin na mataas ang melatonin sa ating katawan.
Napag-alaman na ang lebel ng melatonin ay nakadepende rin sa liwanag ng ating kapaligiran. Tumataas ang lebel ng melatonin kapag madilim ang lugar at tulog tayo. Bumababa naman ang melatonin kapag may sikat ng araw o maliwanag ang ating paligid.
Kapag nabaliktad ang ating pagtulog (tulad ng call center agents), bababa ang lebel ng melatonin. Dahil dito, posible itong magdulot ng mga sakit tulad ng mga sumusunod:
1. Kanser sa prostate -- May pagsusuri si Professor Abrahan Haim at Professor Richard Stevens na nagpapakita na mas maraming tao ang nagkakaroon ng prostate cancer sa mga lugar na matindi ang liwanag sa gabi.
2. Kanser sa suso -- Sa isang pagsusuri sa Denmark, napakita nila na ang mga babaeng night-shift workers ay mas nagkakaroon ng kanser sa suso.
3. Katabaan o obesity – Kapag ika’y gising sa gabi, mas ginugutom ka at mapaparami ang iyong kinakain. Ito ay isang paraan ng katawan para makabawi sa pagod sa gabi.
4. Sakit sa puso – Kadalasan ay kasama sa pang-gabing trabaho ang mga bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak. Dahil dito, posible rin silang magkaroon ng sakit sa puso.
Sa harap ng ganitong kaalaman, paano natin matutugunan ang problema ng mga pang-gabing trabaho? Una, kung kaya nating mabawasan ang duty sa gabi ay makatutulong ito. Baka naman sa ibang araw ay makahanap ka rin ng ibang trabaho.
Pangalawa, pilitin nating sumunod sa malinis na pamumuhay at kumain ng tama. Sa ganitong paraan ay mababawasan natin ang anumang peligro na dulot ng panggabing trabaho.