EDITORYAL - Sector ng agrikultura, bigyang prayoridad
NEGOSYONG may kaugnayan sa pagkain ang patok daw ngayong 2019. Hindi malulugi sapagkat lahat ay kumakain. At saan ba galing ang pagkain? Sa sector ng agrikultura di ba? Kapag humina ang agrikultura, apektado ang nasa food business. Mawawalan sila ng supply. Mawawalan ng trabaho ang marami. Kaya kung mayroon mang dapat atupagin o iprayoridad ang gobyerno, ito ay ang sector ng agrikultura.
Kung maunlad ang agrikultura, marami ang magkakaroon ng trabaho. Wala nang magbabalak pang magtungo sa Saudi Arabia, Hong Kong, Singapore at iba pang bansa para magtrabaho. Hindi na kailangang lumayo pa sa pamilya para lamang kumita. Narito na sa bansa ang pagkakakitaan. Malawak at mayaman ang lupain ng bansa kaya hindi dapat mawalan nang pag-asa ang mamamayan.
Sa isang surbey kamakailan, marami ang nagsabing nakaranas sila ng gutom. Dahil sa nararanasang gutom, napipilitan silang magnakaw at mangholdap. Kung magkakaroon nang maraming trabaho, magkakaroon nang kaayusan at kapanatagan sa bansa.
Sa aming paniwala, ang pagpapaunlad sa sector ng agrikultura ang nararapat tutukan ng Duterte administration. Buhusan ang pagpapaunlad sa mga bukirin. Suportahan ang mga magsasaka. Gumawa ng irigasyon at mga kalsada sa kanayunan para mabilis na madadala ang kanilang ani o produkto sa bayan. Bigyan sila ng mga binhi ng palay na madaling anihin at agad napapakinabangan.
Noong nakaraang taon, nag-alok ng tulong ang Japanese government para sa pag-unlad ng mga magsasakang Pinoy. Magandang pagkakataon ito na hindi dapat palampasin.
Malaki naman ang aming tiwala sa kakayahan ni Agriculture Sec. Manny Piñol na magagawa niyang payamanin at paunlarin ang sector na kanyang pinamumunuan. Kapag umunlad ang sector ng agrikultura, wala nang mag-aabroad na Pilipino. Hindi na kailangang lumayo pa sapagkat narito na ang tiyak na kabuhayan.
- Latest