SINO na ang papalit sa Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines sa Subic, ngayong nagdeklara na nalulugi na sila at hindi na makapagpapatuloy ng negosyo, dahil humina na raw ang merkado para sa mga malalaking barko. Libo-libong empleyado ng Hanjin, karamihan mga Pilipino ang apektado sa pagbagsak ng kompanya. Nasa ilalim na ng rehabilitasyon ang kompanya dahil sa rami ng utang sa mga banko, pero ang nais mangyari ay may pumalit sa kanila para ipagpatuloy ang negosyo. Pero sino nga naman ang nais sumalo sa negosyong nagdeklara ng pagkalugi?
Pinag-iisipan ng administrasyong ito kung sila na lang ang magpapatuloy. Ibig sabihin, baka malilipat ang utang sa kanila kung hindi mabayaran ng Hanjin, at sila ang magpapatakbo ng negosyo ng paggawa ng mga malalaking barko. Pero may marunong ba sa administrasyon na magpatakbo ng ganitong klaseng negosyo? Kung pinag-iisipan ng gobyerno na sila na lang ang magpapatuloy, dapat siguraduhing may eksperto sa ganitong klaseng negosyo.
May balita naman na may ilang kumpanyang taga-China na interesadong saluhin ang negosyo at sila na ang magpatakbo. Dito maraming umalma. Hindi rin nakapagtataka kung bakit mga kompanyang taga-China ang halos unang nagpakita ng interes. Pero kung may isyu na nga ng pag-angkin ng China sa mga islang inaangkin din natin sa South China Sea, bakit kumpanyang taga-China pa ang magpapatakbo sa Hanjin?
Ang mangyayari ay may kumpanya na ang China sa Subic Bay, isang mahalagang lugar para sa mga barko, sibilyan at militar. Baka ang mangyayari ay parang Hambantota, Sri Lanka kung saan ang China na rin ang nagpapatakbo ng daungan doon. Sila na ang gumawa, sila na rin ang nagpapatakbo dahil hindi na mabayaran ng gobyerno ng Sri Lanka ang utang sa China.
May mga isyu rin ng seguridad kung sa kumpanyang taga-China ibibigay ang Hanjin. Wala nang problema sa daungan ang mga barkong pandigma ng China na makapasok-labas ng bansa. Konting paalam na lang ang kailangan mula sa gobyerno, hindi ba? Lahat gusto talagang pasukin ng China sa bansa, dahil sa pagiging malapit ni Duterte sa kanila. Pati nga sa buwan ay nandoon na rin ang China.