EDITORYAL - Huwag ipakontrata ang pag-imprenta ng passport

MALAKING problema ang kinakaharap ng Department of Foreign Affairs (DFA) makaraang tangayin ng dating private contractor ang mga passport data. Kahit pa sinabi ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. na wala pa naman nag-leak na mga inpormasyon mula sa mga tinangay na data, problema ito sa hinaharap. Maaaring nga­yon ay wala pang nangyayaring leak, paano bukas.

Niliwanag naman ng DFA secretary na hindi na kailangang magdala ng bagong birth certificate ang mga magre-renew ng kanilang passport. Magpapa­labas umano ng kautusan ukol dito si Locsin. Dapat lang na hindi na mag-produce ng bagong certificate ang magre-renew sapagkat panibagong pahirap na naman ito. Kailangan pang pumila sa pagkuha ng orihinal na birth certificate sa National Statistics Office (NSO). Paano kung ang magre-renew ay overseas Filipino workers na kailangan nang bumalik sa trabaho. Baka maapektuhan ang kanyang trabaho.

Ang kontraktor na sinasabing tumangay ng mga passport data ay ang Francois-Charles Oberthur Fiduciare, isang French company. Wala namang gaanong ibinigay na detalye kung bakit na-terminate ang kontrata ng Oberthur sa DFA. Ito kaya ang dahilan kaya tinangay ang mga passport data? Marami umanong data ang natangay na ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde ay banta sa pambansang seguridad.

Bakit ba kailangang ipakontrata pa ang pag-print ng passport sa banyagang kompanya? Pu­wede namang ang National Printing Office ang gumawa nito.

Noong panahon ni President Gloria Macapagal-Arroyo, kinontrata ng DFA ang FCOF ng France para mag-print ng passports. Noong panahon ni Pres. Noynoy Aquino, kinontrata ang Apo Production Unit at United Graphic Expression Corp (UGEC) para mag-print ng passport. At ngayon nga sa panahon ni President Duterte ang Oberthur ang kinontrata.

Pawang pribadong kompanya ang kinukontrata gayung maaari namang ang gobyerno ang gumawa. Kung gobyerno ang nagpasilidad, walang kakaba-kaba na tatangayin ang mga data gaya ng ginawa ng French company. Problema ngayon kapag nag-leak ang mga data.

Show comments