MALAKING isyu ang sitwasyon ng Hanjin Philippines, ang South Korean company na gumagawa ng mga malalaking barko sa Subic. Dahil humihina na raw ang negosyo ng paggawa ng mga malalaking barko sa mundo, humihingi ng tulong ang kompanya para mabayaran ang limang banko sa Pilipinas, sa halagang $412 milyon. Naghahanap sila ng mamumuhunan sa kanilang kompanya, o ang magpapatuloy ng kanilang negosyo. Tumutulong ang gobyerno, dahil ang pagsara ng Hanjin ay maaaring makaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas. Libong empleyado ang namemeligrong mawalan ng trabaho.
Hindi nakapagtataka na may 2 kompanya mula China umano ang interesado. Alam ng mga taga-China na bukas na bukas ang bansa para sa kanila. May mga kompanya mula Singapore, Indonesia at Japan na interesado rin daw. Pero kung sino ang tuluyang sasalo sa Hanjin ay hindi pa alam.
May babala naman ang isang retiradong admiral ng Philippine Navy. Ang pagpili ng gobyerno ng kompanyang sasalo sa Hanjin ay dapat pag-isipang mabuti. Hindi lang ekonomiya ang dapat isipin, kundi pati na rin ang seguridad. Sabihin na natin. Ang kanyang tinutukoy ay ang pagpasok ng mga Chinese company sa Subic Bay. Mahalaga ang Subic Bay hindi lang sa mga sibilyan kundi pati sa mga militar. Kung ang mga taga-China ay tila wala nang problemang makalabas-pasok ng Davao City, baka ganyan na rin ang mangyari sa Subic Bay, kung sakali.
Pero para tamaan ang isang malaking kompanya tulad ng Hanjin ay indikasyon ng paghina ng ekonomiya sa mundo. Kasalukuyang may alitan ang China at US pagdating sa kalakalan, na maaaring may epekto sa ekonomiya ng maraming bansa. Kung humina na ang paggawa ng mga malalaking barko, na nagdadala ng malaking porsyento ng kalakal sa buong mundo, ano pa ba ang ibig sabihin niyan?