Gulo sa DFA

LAKING gulo ngayon sa DFA. Isiniwalat ni DFA Sec. Locsin na ang dating kompanya na gumagawa ng mga passport ay umalis at tinangay ang lahat ng impormasyong hawak nito. Ito ang paliwanag kung bakit ang mga nagre-renew ng mga passport na 2009 pababa ay kailangang magdala ng birth certificate. Nagtaka ang marami kung bakit kailangan pang dalhin iyon, kung nagre-renew lang naman sila, at hawak na dapat ng DFA ang kanilang personal na impormasyon.

Hindi ito maliit na bagay lamang. Ang personal na impormasyon ay maaaring makuha ng mga may masamang hangarin. At responsibilidad ng gobyerno na pangalagaan ito. Kung bakit pinayagan lamang ang dating kompanya na tangayin na lang ang impormasyon ay nakapagtataka. Ayon kay Locsin, “nabuwisit” umano ang kumpanya, kaya siguro tinangay ang lahat ng impormasyong hawak nila. Dagdag pa ni Locsin, hindi umano hinabol ang kontraktor dahil may maling ginawa ang gobyerno. Ang pahiwatig ni Locsin ay may kumita sa pagpalit ng kontraktor. Kung legal ang pagpalit sa kontraktor ay hindi rin maliwanag. “Nabuwisit” ba dahil may kontrata pa sila sa gobyerno? Hindi pinapangalanan ang nasabing kontraktor. Sinasabi lang ni Locsin na respetableng French na kompanya. Maaaring may legal na balakid para gawin ito, pero kung mali ang ginawang pagtangay ng impormasyon ay dapat ngang habulin. Maganda rin kung magpapaliwanag ang kompanya sa kanilang ginawa. Kung bakit “nabuwisit”. 

Mapapansin mo rin ang reaksyon ng ilang mambabatas. Ang mga kilalang oposisyon ay nagpapahayag na dapat imbes­tigahan at habulin ang nasabing kontraktor at pasagutin sa ginawa dahil pag-aari ng gobyerno ang impormasyon. Habang ang kilalang kaalyado ng administrasyon ay tila hindi nababahala at maibabalik daw ang impormasyon. Kailangan ding magsalita ang mga dating DFA Sec. Si Locsin ang pangatlong DFA Sec. ng administrasyong ito. May ilang pahayag na si dating Sec. Yasay kung ano ang nangyari. Wala pang pahayag mula kay dating Sec. Cayetano.

Ang prayoridad ngayon ng DFA ay ayusin ang gulo, para hindi na maulit, at para hindi maabala ang mamamayan. Nadagdagan kasi ang abala ng mga nagre-renew ng kanilang passport, sa pagkuha ng birth certificate. Ayon sa DFA, kung ang hawak na passport ay mas maaga sa 2009, kailangang magdala ng birth certificate. Laki ng kinikita siguro ngayon ng ahensiyang nagbibigay ng birth certificate, kung napaka­raming biglang kailangang kumuha nito.   

Show comments