IPATUTUPAD na sa darating na Hulyo 2019 ang bagong tax sa sigarilyo at inuming nakalalasing. Bawat pakete ng sigarilyo ay bubuwisan ng P37.50 samantalang ang alak ay tataas ng 22 percent at may karagdagan pang specific tax na P30 bawat litro. Ang pagtataas ng tax sa sigarilyo at alak ay alinsunod sa House Bill 8618 at 8677 na inaprubahan ng Kongreso noong Disyembre 2018.
Kung tutuusin, kulang pa ang tax na ito. Dapat taasan pa para ma-discouraged ang marami lalo ang kabataan na magbisyo. Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng P5 ang bawat stick ng sigarilyo. Kapag ipinatupad ang bagong tax, maaaring P10 o mahigit pa ang bawat stick. Matindi rin ang maidadagdag sa presyo ng alak lalo pa’t ilan sa mga kilalang brand ay imported. Bago makainom ng brandy o whisky, magtatapon ng libong piso ang mga manginginom. Pero kaya pa rin itong bilhin kaya dapat taasan pa ang buwis.
Kung gagawing P100 ang bawat stick ng yosi at P1,000 ang bawat baso ng alak, mahihirapan nang makabili ang mga kakaunti ang kinikita. Tanging mayayaman na kayang magtapon ng pera ang magbibisyo.
Magkakaroon ito ng epekto sa mga kakaunti ang sinasahod. Malamang na bumitiw na sila at ito naman ang hinahangad ng pamahalaan – mailigtas sa sakit ang mamamayan mula sa cancer sa baga, atay, lalamunan, labi, sakit sa puso at iba pang nakamamatay na sakit.
Dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo at pag-inom ng alak, gumagastos ng bilyong piso ang pamahalaan sa mga pampublikong ospital. Kung wala nang magkakasakit dahil sa alak at sigarilyo, ang pondong makukuha sa buwis ay maaari nang gastusin sa iba pang serbisyo publiko.
Ayon sa World Health Organization (WHO), limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring lomobo ito sa walong milyon sa pagdating ng 2030 kung hindi magkakaroon nang seryosong kampanya sa paninigarilyo.
Magandang hakbang ang ginawa ng Presidente sa pag-aapruba ng taxes sa sigarilyo at alak. Noon pa, tutol na siya sa paninigarilyo. Sa Davao City kung saan siya naging mayor, bawal ang manigarilyo sa pampublikong lugar. Noong Mayo 2017, nilagdaan niya ang Executive Order No. 26 na nagbabawal na manigarilyo sa pampublikong lugar sa buong bansa. Masaklap lang hindi ito lubusang naipatutupad kaya marami pa rin ang lumalabag. Masaklap na pati ang hindi naninigarilyo ay magkakasakit dahil sa pagkakalanghap ng second hand smoke.