Magawa kaya?

BINALAAN ni President Duterte ang mga hotel sa baybayin­ ng Manila Bay, na maglagay ng kani-kanilang water­ treatment facility, kundi ipasasara raw niya. Inutusan na sina DENR Sec. Roy Cimatu at DILG Sec. Año na linisin na ang Manila Bay. Alam natin kung gaano karumi ang karagatan, lalo na matapos ang bagyo. Tone-toneladang basura ang nakokolekta.

Pero ang basurang naiipon sa baybayin ng Manila Bay matapos ang bagyo ay galing lang ba sa mga hotel? Hindi ba galing sa ibang lugar ang mga iyan? Hindi ba dapat matukoy din kung saan talaga nanggagaling ang karamihan ng mga basura, na nagpaparumi rin sa dagat­? Pabor ako na lahat ng hotel ay may sariling sistema para sa kanilang patapon na tubig, para hindi mapasama ang kalikasan. Sa totoo nga, maganda ang ginagawa ni Duterte sa pag-alaga sa kalikasan, tulad ng pansamantalang pagsara ng Boracay. Pero kailangang matigil na rin ang pagtatapon ng basura sa dagat, na hindi naman yata galing sa mga hotel. Mabuti pala at hindi natuloy ang nais gawin ni Duterte, na magtapon ng 100,000 bangkay ng mga kriminal sa Manila Bay, para patabain ang mga isda. Matinding pollutant ang patay na tao sa tubig, hindi ba? 

Pero hindi rin lubusang malilinis ang Manila Bay, kung hindi rin malilinis ang Pasig River. Ang Pasig River ang nagdudugtong ng Laguna de Bay sa Manila Bay. Pasikut-sikot ang Pasig River sa Metro Manila, kaya isipin na lang natin kung gaano karumi ito, dahil ginagawang tapunan ng basura ng mga nakatira sa baybayin nito, at iba pang hindi na dapat mabanggit dito. Kung lahat ay aabot din sa Manila Bay, wala ring mangyayari sa paglinis. Dapat matukoy ang pinanggagalingan at matigil. Multahan nang mabigat ang mga pasaway, kung kinakailangan.

Maganda kung tunay na malilinis ang Manila Bay at Pasig River. Maganda kung maibabalik ang panahon na maraming gumagamit ng ilog Pasig para makarating sa kanilang destinasyon. Pero magawa naman kaya?   

Show comments