TATLONG Cabinet official ang iniimbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at kapag natapos na ang pag-iimbestiga, isusumite na umano nila ito kay President Duterte.
Ayon kay PACC chairman Dante Jimenez, tatlong miyembro ng Gabinete ang masusi nilang isinasailalim sa fact-finding inquiry. Ang mga iniimbestigahan ay kinabibilangan nina Labor Sec. Silvestre Bello III, dating Customs Commissioner at ngayo’y TESDA Director General Isidro Lapeña at National Commission on Indigenous People Chairperson Atty. Leonor Oralde-Quintayo. Ayon sa PACC, may mga reklamo ng katiwalian sa tatlong opisyal kaya sila iniimbestigahan.
Sabi naman ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, walang sacred cows sa Duterte administration. Wala raw kai-kaibigan, kamag-anak, kaalyado, ka-frat – basta nagkasala, mapaparusahan. Hihintayin umano nila ang resulta ng imbestigasyon at kapag guilty, aaksiyon agad ang Presidente rito.
Sabi naman ni Bello, wala raw siyang alam na nag-iimbestiga ang PACC. Handa umano siyang harapin ang anuman sa sandaling sabihan siya ng PACC ukol sa alegasyon sa kanya. Wala pa raw namang complaint laban sa kanya.
Sabi noon ni President Duterte, may maamoy lamang siyang singaw ng korapsiyon sa isang tanggapan ng pamahalaan, masisibak agad ang opisyal. Kaya ang payo niya sa mga public official na naaakusahan ng korapsiyon, magbitiw na ng kusa para hindi na niya ipahiya.
Totoo naman ang sabi ng Presidente. Sinisibak agad niya ang opisyal na inaakusahan ng katiwalian. Noong nakaraang taon, marami siyang sinibak na opisyal.
Ngayong 2019, maaaring marami pa ang masibak dahil mayroon siyang naaamoy na katiwalian. Sana, kapag may sinibak siya, huwag na niyang ibabalik sa puwesto. Wala nang pag-recycle.