EDITORYAL - Wasakin ang KKK (Kahirapan, Korapsiyon, Krimen)

MARAMING naghihikahos sa buhay sa kasalukuyan. May mga pamilyang isang beses lang kung kumain sa maghapon. Maraming hindi malaman kung saan nila kukunin ang susunod na kaka­inin. Marami ang natutuliro kung paano bubuhayin ang mga anak. Maraming nasisiraan ng bait dahil nalilipasan ng gutom.

Sa kabila na sinasabi ng pamahalaan na gumanda ang ekonomiya ng bansa at nahigitan ang mga kalapit bansa, marami ang hindi naniniwala. Paano’y hindi nila maramdaman ang sinasabing pag-unlad ng ekonomiya. Patuloy pa rin ang paghihikahos at walang maihandang pagkain sa hapag. Ang sinasabing pag-unlad ng ekonomiya ay nana­natiling drowing lamang at nananatiling nasa pa­ngarap lamang.

Dahil sa kahirapan ng buhay kaya maraming nangyayaring krimen. Ang kahirapan ang isa sa mga ugat kaya may nangyayaring pagnanakaw. Ba­gama’t hindi nararapat na gawing dahilan ang kahirapan para magnakaw, mayroong dahil sa sobra na ang nadaramang kagutuman kaya nakagagawa nang masama. Halimbawa ay ang isang lalaking nahuhuling nag-shoplift ng isang biskuwit sa isang store sa Maynila. Nagawa lang daw niyang nakawin ang biskuwit dahil sa gutom. Pero kinasuhan pa rin ang kawawang lalaki.

Korapsiyon ang dahilan kaya marami ang naghihirap sa kasalukuyan. Magkadikit ang korapsiyon at kahirapan. Dahil kinukurakot ang pera sa kaban, nauubos ang pondo na dapat ay gagamitin para sa serbisyo sa mamamayan. Bilyong piso ang nawawala dahil sa korapsiyon sa gobyerno. Nangu­nguna ang Bureau of Customs, Bureau of Internal Re­venue at Department of Public Works and Highways sa mga kurakot na tanggapan.

Marami nang nasibak si President Duterte dahil sa isyu ng korapsiyon. Sabi niya, basta may naamoy siyang singaw ng korapsiyon sa isang tanggapan, sisibakin agad niya ang sangkot na opisyal. Ganunman, kahit na marami nang naalis sa puwesto dahil sa korapsiyon, marami pa rin ang hindi natatakot.

Dapat maging mabangis pa ang Presidente sa pagsibak sa mga kurakot. Talasan pa ang pang-amoy para maubos ang mga kurakot. Kapag nagtagumpay siya sa paglupig sa korapsiyon, kasunod na ring mawawala ang kahirapan na nakasakmal sa mamamayan. Inaasahan ngayong 2019 na mawawasak na ang KKK sa lipunan.

Show comments