EDITORYAL - Nakalusot ang paputok kaya may mga naputukan
HINDI naabot ang 0 percent na target na walang masusugatan o masasaktan sa paputok sa pagdiriwang ng Bagong Taon. Pero malaking porsiyento ang ibinaba ng mga nasugatan kumpara sa mga nakalipas na taon. Ayon sa Department of Health (DOH), bumaba ng 68 percent ang mga nasugatan sa paputok at ito ay maituturing na “historic”. Ayon kay DOH Sec. Francisco Duque III, ito raw ang pinakamalaking reduction sa bilang ng mga nasugatan sa paputok. Dalawang bagay ang sinabing dahilan ng Health secretary sa pagbaba ng bilang ng mga na-injury. Una, dahil sa Executive Order No. 28 na nilagdaan ni President Duterte na nagbabawal sa mga malalakas at mapanganib na paputok at ikalawa, dahil sa pag-ulan noong bisperas ng Bagong Taon. Dahil sa tindi ng ulan, hindi magawang lumabas ng mga tao para makapagpaputok sa kalye.
Maaaring tama ang DOH secretary na nabawasan ang mga nasugatan dahil sa EO 28 at sa pag-ulan. Pero sa aming paniwala, malaking factor ang pag-ulan kaya nabawasan ang mga nasugatan. Hindi sila makapagpaputok sa kalye sapagkat mababasa at mawawalan nang silbi ang biniling Judas belt, higad, Goodbye Philippines, Goodbye Bading, Superlolo, five star at maski ang mga piccolo na kasamang ipinagbabawal sa EO 28. Naniniwala kami na marami pa ring nakabili ng paputok kahit bawal at hindi lang nila mapaputok dahil sa ulan.
Kung nagkataon na hindi umuulan noong bisperas ng Bagong Taon, tiyak na maraming magpapaputok at tiyak din na maraming masusugatan, mapuputulan ng daliri at braso, mabubulag o masusunog ang mukha dahil sa malalakas na paputok.
Kinabukasan (Enero 1), maganda ang panahon kaya ginamit na ang mga paputok kaya meron pa ring humabol na naputukan sa kamay at mukha. Hindi lamang mga bata ang naputukan kundi pati mga matatanda na dahil sa kalasingan, nalimutang ihagis ang sinindihang rebentador kaya sumabog sa kamay.
Nalusutan ang Philippine National Police (PNP) na nagsabi noon na maigting at mahigpit daw ang gagawing pagkumpiska sa mga illegal na paputok. Kung mahigpit, bakit may mga nakalusot at nakapagpaputok na naging dahilan ng pagkasugat at pagkaputol ng mga daliri. Kailan hindi malulusutan ang PNP?
- Latest