^

PSN Opinyon

Alcoholic ka ba?

DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong - Pilipino Star Ngayon

ANG alcoholic ay isang taong nakadepende na sa alak. Kahit itinatanggi pa niya ito, hindi na niya mapigilan ang dami ng kanyang iniinom. Kahit maaga pa ay umiinom na siya ng alak at minsan ay nagbabaon pa ng alak sa trabaho, sa kotse at sa kuwarto.

Mga tanong sa alcoholic:

May mga tao na pinipilit na “light drinking” lang ang kanilang ginagawa at pampalipas lang ng oras. Hindi sila umaamin na alcoholic sila at kailangan nang magpatingin sa doktor. Para maiwasan ang ganitong argumento, may pitong tanong na inihanda ng mga eksperto para tukuyin kung ang isang tao ay alcoholic.

Heto ang mga tanong: Noong nakalipas na 12 buwan, nakaranas na ba kayo ng ganito:

1. Kailangan mo bang uminom ng mas maraming alak para makuha ang parehong kalasingan?

2. Kapag itinigil mo ang pag-inom ng alak, ikaw ba ay nasusuka, nanginginig, hindi makatulog at parang balisa?

3. Napapansin mo ba na kadalasan ay napaparami ang iyong naiinom kahit hindi mo naman ito pinaplano?

4. May pagnanais ka bang magbawas sa pag-inom ng alak pero hindi mo ito magawa?

5. Umiinom ka ba ng 4 o mas marami pang beses sa isang linggo?

6. Minsan ba ay tinanggihan mo ang mga mahahalagang meeting o trabaho para lang uminom?

7. Ipinagpapatuloy mo ba ang pag-inom ng alak kahit alam mo nang may masamang epekto ito sa iyong kalusugan?

Base sa pitong tanong na ito, kapag ikaw ay sumagot ng “oo” sa tatlong tanong ay nangangahulugang ika’y may problema sa alcohol.

Limitasyon sa pag-inom ng alak:

Iba-iba ang epekto ng alcohol sa katawan depende kung (1) ikaw ay lalaki o babae, (2) ano ang iyong timbang, (3) kung nakakain ka muna bago uminom, at (4) gaano kabilis ang iyong pag-inom.

Ayon sa mga eksperto, ang isang lalaki ay limitado lang sa pag-inom ng dalawang bote ng beer, dalawang kopita ng wine, o dalawang shots ng hard drinks lang bawat araw. Sa babae naman ay kalahati lang ang puwedeng inumin, tulad ng 1 bote ng beer, 1 copita ng wine, o 1 shot ng hard drink lang bawat araw.

Ngunit kung hindi naman kayo dating umiinom ng alak ay huwag na itong subukan. Ito’y dahil baka masobrahan lang ang pag-inom at maging alcoholic ka.

Kung sa tingin ninyo ay mayroon kayong kamag-anak na may problema sa alak, himukin siyang magpatingin sa doktor. Kailangan ang pag-unawa ng pamilya para magamot ang isang alcoholic. Good luck.

ALCOHOLIC

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with