Ilang oras na lang at maghihiwalay na naman ang taon at papasok na ang 2019 na tinatawag sa Chinese Calendar na Year of the Earth Pig. Ewan ko ba kung bakit kailangang ipangalan sa mga hayop ang bawat taong pumapasok. Kaya marahil nagkakahayup-hayop ang sitwasyon sa mundo sa halip na bumuti.
Naisip ko tuloy, kaya marahil ipinagpipilitang mailusot ang bilyon-bilyong pisong halaga ng pork barrel sa pambansang badyet para sa 2019. Para sa ating mga Kristiyano, manalangin na lang tayo na bumuhos ang mga positibong pagpapala at pangyayari hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong daigdig.
Siyanga pala, mula nang maging Pangulo si Duterte ay malaki ang ibinaba ng mga insidente ng mga taong nagi-ging biktima ng paputok. Sana patuloy pa itong bumaba hanggang sa tuluyang umabot tayo sa zero casualty. Pati ang mga nagtitinda ng rebentador ay madalang na lang magbenta ng mga rebentador na sobrang lakas dahil marahil sa mga mahihigpit na regulasyong itinatakda ng batas.
Sa kabila ito, umapela si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Guillermo Eleazar sa publiko na gumamit lamang ng mga regulated na paputok sa mga itinalagang firecracker zones sa Metro Manila. Oo nga pala, paalala sa lahat, bawal nang magpaputok ng mga rebentador kahit saan maliban sa mga lugar na itinalaga bilang firecracker zones.
Ayon kay Eleazar may kabuuang 404 firecracker zones ang itinalaga sa limang NCRPO districts kabilang dito ang 166 sa Quezon City Police District (QCPD), 93 sa Northern Police District (NPD), 73 sa Manila Police District (MPD), 52 sa Southern Police District (SPD), at 20 sa Eastern Police District (EPD). Bukod dito, nagtalaga rin ang NCRPO ng 55 community fireworks display zones. Kaya bumabati na lang tayo ng Happy New Year at nawa’y mag-ingat tayong lahat para iwas disgrasya.