MADALING humingi ng apology ang isang gawa ng pagkakamali sa kapwa dahil tayo’y tao lamang. Pero kung pisikal ang ginawa ay ibang usapan na yan. Kahit tayo pa ang pinaka-makapangyarihang tao ay wala tayong karapatang manakit o magpahiya ng ating kapwa. Dahil kung tutuusin kayang tiisin ni PO3 Federico Macaya Jr. ang sakit ng bugbog na inabot niya kay Rep. Richard Garin at Guimbal Mayor Oscar Garin pero ang kahihiyang inabot niya ay hindi. Foul ang ginawa ng mag-amang Garin sa isang unipormadong pulis.
Maraming kongresista ang ginagamit ang posisyon sa kayabangan. Naalala ko tuloy si dating House Speaker Pantaleon Alvarez at Rep. Rodolfo Fariñas. Iba nga lang ang nais nilang palabasin, bigyan sila ng special lane upang hindi kuno ma-late sa kanilang session sa Kongreso. Ang gagaling nila samantalang tayong mga nagluklok sa kanila sa puwesto nagtitiyagang pumila sa trapik.
May isa pang balasubas na kongresista nanakit naman ng isang tauhan sa NAIA. Siguro kailangang ipaalala sa mga mambabatas na ito na taumbayan ang naglagay sa kanila sa puwesto kaya dapat iwasan nilang magsiga-sigaan. Mukhang nakalimutan nila ang kanilang mga pangako nung sila’y nangangampanya pa lamang. Animo maamo silang tupa at ang iba may pakipkip pang pera sa mga botante na peke naman pala.
Sang-ayon ako sa ginawa ng PNP sa mag-amang Garin. Silipin lahat ng batas upang maipakulong sila at mabigyan ng leksyon para hindi tularan ng iba. Iparamdam din sa kanila ang kahihiyang inabot ni PO3 Macaya. Iginalang man lang sana nilang mag-ama ang unipormadong pulis na nagpapatupad ng kanyang tungkulin hindi ‘yung bubugbugin sa karamihan ng tao.