TATLONG araw na lang at mamamaalam na ang 2018. Kay bilis! Para sa kabatiran ng ating mga readers opisyal na akong nagretiro bilang editor-in-chief ng Pilipino Star NGAYON at PM (Pang-Masa). Ako po ay magse-seventy na at deserve ko naman na ilaan ang nalalabing taon sa aking buhay para sa mga sarili kong adbokasya. Ngunit tuloy pa rin ang aking mga kolum at ang pang-araw-araw na Litra-Talks na nasa front page ng ating pahayagan.
Nawa’y patuloy kayong tumangkilik sa aking mga naiaambag sa diyaryong ito. Siyanga pala, ang masisilbing managing editor ng ating pahayagan ay ang kasalukuyang Metro Editor na si Ms. Jo Lising-Abelgas kaya nasa mabuting mga kamay ang pamamahala ng ating diyaryo.
Sa tuwing magtatapos ang taon, iisa ang tanong natin. Ano ang ating hinihiling na mangyari sa ating buhay o sa ating daigdig sa papasok na taong 2019?
Para sa akin, matuldukan na sana nang tuluyan ang problema sa droga. Maraming kaakibat na positibong pagbabago kapag nawala ang droga. Wala nang kabataang mapapahamak, mababawasan ang karumaldumal na kriminalidad bunga ng pagkahibang ng mga drug users.
Naniniwala ako na kung may problema sa paglago ang ating ekonomiya, droga pa rin ang dahilan dahil sa mataas na kriminalidad na kaakibat nito. Kung mapayapa ang bansa, bubuhos ang mga negosyanteng mamumuhunan. Darami ang hanapbuhay at tataas ang singiling revenue ng pamahalaan.
Kapag maunlad ang kabuhayan, mawawala rin ang problema sa rebelyon porke mababawasan na nang malaki ang poverty situation. Kontrobersyal ang pagpapatupad ng anti-drug war. Marami ang napapatay na hindi naman dapat madamay at itinuturing na lang silang collateral damage. Ayaw natin iyan pero kailangang giyerahin talaga ang droga. How I wish we can have the best of both worlds. Wish ko rin na sana, ang lahat ng mga drug operations ay magiging above board at may coordination sa mga barangay upang tiyakin na walang mangyayaring extra-judicial killings. Habang pinagdududahan ang integridad ng ganitong operasyon, tila napakalayong matamo ng tagumpay.