Binata, ama, kuya, anumang uri ng lalaki kayo, basahin n’yo ito!
MAY mga lalaking responsable at may puso, mga amang matiyaga at may pag-unawa sa kanilang mga asawa’t anak. Mahirap man at salat sa buhay, talagang gagawa ng paraan maitaguyod lang ang mga pamilya.
Wala nang maraming satsat, tatayo agad. Kayang pangatawanan ang epekto ng kanyang mga gawa. Hindi mag-iinarte at tatakbo sa responsibilidad.
Mayroon namang mga lalaking kabaliktaran nitong nauna. Mga lalaking iresponsable at magaling lang sa kalibugan. Kapag nakuha na ang gusto, larga na. Kaya nagkakaroon ng single mothers.
Malas mo pa kung utak kriminal ang napunta sa iyo. Hindi mo na nga maasahan sa kahit anong bagay, mabigat pa ang kamay. Tanong, sino sa mga ito ang kinakasama ninyo?
Lahat nang nagrereklamo sa aming tanggapan, sinusumbong ang mga lalaking nasa ikalawang kategorya. Karaniwan, sustento sa anak ang problema.
Ang pinakahuling lumapit, halos namamalimos na ng suporta sa dating kinakasama. Gipit at di kayang akuin ang mga gastos mag-isa. Kaunting halaga lang ang hinihingi, pantustos sa bata at pambili ng gamot.
Bus driver si lalaki at mayroong ibang pamilya. Ang dakilang ina, mag-isang binubuhay ang kanilang paslit. Kumikita dati bilang tutor sa mga bata.
Hindi pinapansin ni lalaki ang pakiusap ng dating live-in partner at mukhang wala na siyang balak sumuporta. Inabandona na ang obligasyon at wala ng pakialam sa kapakanan ng kanyang anak.
Payo ko kay misis, umpisahan niyang magtrabaho ulit. Itaguyod niya ang anak niya. ‘Wag na siyang magmakaawa sa walang kuwenta niyang dating live-in partner.
Hindi niya kailangan ang kinakasama niya. At mas lalong hindi niya kailangang lumuhod para lang gawin ng lalaki ang responsibilidad niya bilang ama.
Ako si BITAG ay limitado rin ang kakayahan sa mga sumbong na tulad nito. Subalit hanggat maaari ay sinisiguro kong may matututunan at maiiba ang disposisyon ng mga misis na nagrereklamo bago umalis ng aming action center.
Kung gugustuhin niya at ayon sa batas, puwedeng sampahan ng kaso ang putok sa buhong ito para matuto ng leksyon. May karapatan siyang magdemanda kahit di sila kasal.
O kayong mga lalaki, hindi sukatan ng pagkalalaki ang galing sa kama… kapag nangati, gawa lang nang gawa ng bata. Kapag nabuo at nakabuntis, hindi kayang panindigan.
Ang mga bata naman, lalaking walang ama at magkakaroon ng problema habang tumatanda. Tsk tsk nakakaawa ang mga walang kamuwang-muwang na mga bata.
Tinatamaan na ba ang iba sa inyo? Kung gagawa kayo ng kabulastugan, siguraduhin niyong kaya niyong panagutan. Hindi man sa batas o kaya sa akin, kay BITAG, sa ating lumikha kayo siguradong mananagot.
- Latest