EDITORYAL - Bantayan ang mga bata sa piccolo
HINDI kasama ang piccolo sa mga paputok na ipinagbabawal sa ilalim ng Executive Order 28 na iniutos ni President Duterte noong nakaraang taon. Tanging ang mga malalakas na paputok na gaya ng Judas Belt, Superlolo, bawang, Goodbye Earth, Goodbye Philippines at sawa, ang bawal. Bakit hindi isinama ang piccolo? Dapat ay rebyuhin ng Presidente ang EO 28 at isama niya ang piccolo.
Mula bisperas ng Pasko hanggang kahapon, 24 na ang naitatalang nasugatan dahil sa piccolo. Pawang mga bata ang naputukan at may ilan nang naputulan ng daliri. Karaniwang dahilan kaya napuputukan ang mga bata ay dahil pinupulot ng mga ito ang hindi pumutok na piccolo. Pagpulot saka ito puputok at sabog ang daliri. Mayroong tinatamaan sa mata at pisngi.
Noong nakaraang taon, nasa 400 ang mga nasugatan sa paputok at pawang piccolo ang dahilan. Bagama’t bumaba ang mga nasugatan dahil sa pag-iisyu ng EO 28, hindi pa rin natuto ang ilan at patuloy pa ring nagpapaputok. Wala pa ring takot kahit na madalas ipakita ng mga ospital ang mga napuputulan ng daliri, kamay at nabubulag. Ipinakikita rin ang mga equipment na ginagamit sa pagputol ng bahaging naputukan.
Madali lang bilhin ang piccolo. Kahit sinong bata ay puwedeng bumili sa tindahan sa kanto at maski sa bangketa ay lantarang binebenta. Kahapon, may mga bata na ang pinamaskuhang pera ay ibinili ng piccolo.
Nararapat na ipagbawal ang piccolo sapagkat ang mga bata ang lagi nang nabibiktima. Dahil sa paputok na ito, mapuputulan ng daliri at braso, mabubulag at iba pang pinsala sa katawan. Masisira ang kinabukasan ng mga bata sapagkat magiging disable na habampanahon.
Kung talagang gusto ng pamahalaan na maging ligtas ang lahat lalo na ang mga bata, ibawal ang piccolo. Hulihin ang mga gumagawa at distributor nito. Lahat nang pumuputok ay ipagbawal na. Tanging mga pailaw lamang ang hayaang ibenta. Magkaroon na rin naman ng designated fireworks display sa isang lugar para doon na sama-samang magsisipagsaya ang mga taga-barangay.
- Latest