MARAMING nangyayaring bullying sa mga school at hindi na ito nalalaman ng mga magulang ng mga bata. Marami sa mga bata ang nananahimik na lamang kaya lalo namang nagpapatuloy ang bullying. May mga bullying na humahantong sa pananakit gaya nang ginawa ng Ateneo Junior High School student sa kanyang classmate na nakunan ng video at pinagmulan ng outrage. Kung hindi nakunan ng video ang pangyayari, maaaring manahimik na lamang ang estudyanteng binully at magpapatuloy ang pambubully sa kanya ng kaklase na isa umanong blackbelter Taekwondo champion.
Ang school ang nararapat na manguna sa pagsugpo ng bullying sa kanilang nasasakupan. Dapat nalalaman nila kung may nangyayaring pambu-bully at umaksiyon agad bago pa lubusang lumala ang ginagawa ng “sangganong estudyante’’.
Kung hindi pa naging viral sa social media ang pananakit ng estudyante sa kanyang kaklase, hindi pa kikilos ang pamunuan ng Ateneo. Napilitan lamang kumilos at sinabing patatalsikin ang “sangganong estudyante’’ makaraang magalit ang netizens sa inakto nito. Dahil sa galit, may mga martial arts expert na humamon sa mismong ama ng “sangganong estudyante” para maturuan ito ng leksiyon. Sabi ng mga humamon, hindi raw pinalaki nang maayos ng ama ang anak nito kaya nambu-bully. Isa pang martial expert ang humamon sa “sangganong estudyante”. Matapang lamang daw sa hindi lumalaban ang estudyante kaya hinahamon niya ito. Ang pagiging marunong daw sa Taekwondo ay hindi dapat ipinagyayabang at ginagamit lamang ito sa self defense.
Mga school ang nararapat maging listo sa mga estudyanteng may sintomas ng pambu-bully. Mahigpit na ipatupad ang Anti-Bullying Act para maiwasan ang bullying at madebelop ang psychosocial interventions sa biktima at sa nambubully. Kung nangyayari ang pambu-bully sa mga sikat na pribadong school, mas lalong nangyayari ito sa mga pampublikong eskuwelahan na mas marami ang “sangganong estudyante’’. Maging mapagmatyag at alerto naman ang mga magulang sa kanilang mga anak at baka nabu-bully ito o nambu-bully.