TRUE story ito, ilang dekada na ang lumipas sa bayan ng Luxembourg, pinasa ng isang matandang nun kay Sr. Veronica Murphy mula naman sa kuwento ni Rev. Fr. Stanislaus, SS.CC.:
Naghuhuntahan ang matadero at Kapitan ng Forest Guards nang pumasok sa tindahan ng karne ang matandang babae. Manlilimos sana siya ng konting karne, at wala siyang pambayad. Napangisi si Kapitan sa matadero: “O, konting karne lang daw, gaano karami ang ibibigay mo?”
“Pasensiya na,” bulong ng lola, “pero kung gusto mo, ipagsisimba kita.” Walang relihiyon ang dalawang lalaki. Tinuya nila ang matanda. “Sige nga,” anang matadero, “ipagsimba mo ‘ko, tapos bumalik ka at ibibigay ko ang katimbang ng misa mo.”
Bumalik ang matanda. Natatawa ang dalawa. Sumulat si matadero sa pirasong papel: “Ipinagsimba kita.” Pinatong ito sa timbangan, sabay kuha ng maliit na buto at sinukat ang bigat. Hindi gumalaw ang timbang. Dinagdagan ng matadero ng konting karne; hindi pa rin gumalaw.
Medyo napahiya ang matadero at Kapitan sa panunuya nila, pero tinuloy ang laro. “Ano’ng gusto mo mangyari, lola,” kabadong tanong ng matadero, “isang hita ng tupa ang ilagak ko?” At siya ngang ipinatong sa timbangan. Nang di pa rin gumalaw ang timbang, kinutingting ng matadero kung sira ito. Ayos naman. Wala nang kibo si Kapitan.
Idinagdag ng matadero ang hamon. Mas mabigat pa rin ang papel. Nilagyan niya ng tadyang ng baka; gan’un pa rin. Namangha siya; ora-mismo ay napaniwala sa Diyos. “Bumalik ka araw-araw,” aniya sa lola, “bibigyan kita ng karne.” At si Kapitan, umuwi’t nagpasyang magbagong-buhay. Naging pala-simba araw-araw. Pinalaking pala-dasal ang dalawang anak, na parehong naging pari: isa ay Hesuwito, ‘yung ikalawa naman ay Father of the Sacred Heart.
Winakasan ni Fr. Stanislaus ang istorya sa pag-amin: “Kasapi ako ng Religious of the Sacred Heart, at ang Kapitan na ‘yon ang aking ama. Pinangaralan niya kami na taimtim na mag-misa araw-araw.”
Maligayang Pasko sa ating lahat.