HINDI lamang Manila Bay ang polluted, kundi maging ang hangin sa Metro Manila ay marumi rin. Dahil sa sobrang dumi ng hangin, nakaamba sa mga taga-Metro Manila ang iba’t ibang sakit. Araw-araw, ang nalalanghap nilang hangin ay may lason.
Nababalot ng smoke at fog (smog) ang kapaligiran ng Metro Manila at nalalanghap ito ng mamamayan. Kapag hindi napigilan ang smog, malaki ang magiging problema ng mamamayan sa kanilang kalusugan.
Sa isang forum, sinabi ng cardiologist na si Dr. Jorge Sison, kailangan na mag-face masks ang mga taga-Metro Manila dahil sa malubhang air pollution. Si Sison ay pinuno ng Cardiology ng Medical Center Manila. Ayon pa sa doctor, ang mga malalaking kalsada na kinabibilangan ng EDSA, Taft Avenue, Quezon Avenue at C5 ay grabe ang pollution. Dito sa mga kalsadang ito yumayaot ang mga pampublikong sasakyan gaya ng mga jeepney.
Hindi na ligtas tirahan ang Metro Manila dahil sa air pollution. Sabi sa pag-aaral na ginawa ng University of the Philippines, 10 taon pa at hindi na maaring tirahan ang MM dahil sobrang polluted na ang hangin.
Noong nakaraang taon, nagkaroon ng ranking sa 230 siyudad sa buong mundo na gustong tirahan o puntahan ng mga dayuhan. Nasa ika-136 na puwesto ang Metro Manila. Ang dahilan: air pollution. Mas gusto ng mga dayuhan na puntahan ang mga lugar na malinis ang hangin. Pinakamarami ang gustong manirahan sa Vienna, Austria at Singapore.
Isa sa maaaring gawin ng DENR ay ang pagpapaigting sa anti-smoke belching campaign. Isulong nila ang pag-phase out sa mga lumang sasakyan gaya ng dyipni. Ang mga lumang dyipni ay nagbubuga ng 80 porsiyento ng nakalalasong usok. Ipatupad ang nakasaad sa Clean Air Act of 1999 na bawal ang paggamit ng incinerators at pagsusunog ng basura. Ayon sa Department of Health (DOH) ang grabeng pollution ay nagdudulot nang maraming sakit: pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.
Malaking hamon kay DENR Sec. Roy Cimatu ang air pollution sa Metro Manila. Nagawa niyang linisin ang Boracay at balak din niyang linisin ang Manila Bay. Mas maganda kung uunahing linisin ang maruming hangin sa MM sapagkat halos lahat ay nakalalanghap nito.